Ni Celo Lagmay
NAKAUKIT pa sa aking utak ang mahigpit na tagubilin sa akin ng isang mag-asawa maraming Semana Santa na ang nakalilipas: “Ito ay huwag mong ihihiwalay sa iyo.” Ang kanilang tinutukoy ay isang tansong medalyon na nababalutan ng kapirasong papel na may maikling dasal na nasusulat sa wikang Latin. Sa himig ng kanilang mga pananalita, inakala ko na iyon ay isang anting-anting o agimat na karaniwang tinataglay ng mga panatiko na naniniwalang iyon ay magliligtas sa kanila sa panganib at nagbibigay ng magandang kapalaran.
Ipinahiwatig ng mag-asawa na ang naturang medalyon ay sagisag ng kanilang pasasalamat at pagtanaw ng utang-na-loob.
Marahil dahil iyon sa maliit na tulong na nagbigay ng pagkakataon upang ang kanilang panganay na anak ay matanggap bilang miyembro ng isang police force. Naganap iyon nang ako ay nagsisimula pa lamang sa larangan ng pamamahayag; bilang reporter ng orihinal na Manila Times Publishing Co.
Gayunman, mataman kong pinakinggan ang mga tagubilin ng nasabing mag-asawa. Sa pagbaba sa bahay na taglay ang nasabing tansong medalyon, kailangang sambitin ko ang nabanggit na Latin prayer upang matiyak ang aking kaligtasan sa paglalakad at pagbibiyahe; lalo na sa pakikitungo sa sinuman at saanman.
Upang masubukan ang kapangyarihan ng itinuturing na agimat, dadalhin ito sa kabundukan o saanman upang ito ay barilin. Tahasan nilang ipinahiwatig na ang naturang medalyon ay hindi tatalaban ng bala; mistulang lilihis ang punglo sa pagkamangha ng mismong babaril. At ang nagtataglay nito ay malalayo sa anumang panganib.
Bilang bahagi pa rin ng kanilang mahigpit na mga tagubilin, ang nasabing medalyon ay kailangang taglayin ko sa pagpasok sa simbahan – sa Quiapo Church hanggat maaari. At pag-uukulan iyon ng taimtim na mga dalangin.
Pinakinggan kong lahat ang mga tagubilin ng mag-asawa. Subalit mula nang ibigay nila sa akin ang nasabing medalyon, hindi na kami nagkita. At simula rin noon, mawalang-galang na sa kanila, hindi ko nagampanan ang alinman sa kanilang mga tagubilin. Nasa akin pa rin ang sinasabing agimat, ngunit iyon ay nananatili na lamang na isang alaala mula sa mga kapwa nilikha.
Ang itinuturing kong tunay na makapangyarihang anting-anting ay yaong taimtim na pananalig sa Dakilang Manlilikha.
Siya lamang ang ating gabay upang tayo ay maligtas sa anumang panganib at magtamo ng mga biyaya sa Kanyang ka