Ni Celo Lagmay
SA kabila ng napipintong paggunita sa paghihirap at kamatayan ng ating Panginoong Hesus, walapa ring lubay ang sisihan, bintangan at pagsasampa ng kabi-kabilang demanda kaugnay ng kontrobersiyal na P3.5 bilyon dengvaxia scandal. Nakatutulig na ang pagpalahaw ng mga magulang ng mga anak na sinasabing naturukan ng naturang gamot; nauulinigan ang matinding iyakan na paulit-ulit namang isinasahimpapawid sa radyo at telebisyon.
Paulit-ulit din ang pagtanggi ng mga inaakusahan at naghahablang grupo kaugnay ng lumutang na mga isyu.
Pinaninindigan ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino at ng mga miyembro ng kanyang Gabinete na maayos ang transaksiyon sa sinasabing dengvaxia scandal. Sa magkakasunod na pagdinig sa Senado at Kamara, walang kagatul-gatol nilang ipinahahayag na walang kaakibat na katiwalian ang pagbili at pagtuturok ng nabanggit na bakuna.
Maging ang nakalululang P3.5 billion funds na inilaan sa dengvaxia ay dumaan sa maingat na transaksiyon. Ibig sabihin, sumunod sa mga legal na pamamaraan at panahon at hindi itinaon sa pagdaraos noon ng eleksiyon. Ito ang kanilang pananaw na hanggang ngayon ay pinanghahawakan nila.
Dapat lamang asahan na ang naturang mga argumento ay taliwas sa paniniwala ng mga naghabla laban sa nabanggit na mga dating opisyal at maging ng kasalukuyang pinuno ng Duterte administration. Pilit nilang iginigiit na marapat nilang panagutan ang mga alingasngas at mapanganib na epekto ng masalimuot na dengvaxia scam. Ang iba pang detalye ay hindi na natin dapat busisiin. Manapa, dapat na lamang ipaubaya ang lahat sa mga hukuman.
Kasabay ng pagtimbang sa bigat ng mga bintang at sa paggitaw ng magkakasalungat na pangangatwiran, walang humpay naman ang pagsusuri ng iba’t ibang sektor upang alamin ang pinsalang idinulot ng dengvaxia kung ito nga ang dahilan ng kamatayan ng mga biktima na isa-isang hinuhukay sa kani-kanilang libingan upang isailalim sa pagsusuri ng mga medical experts; sinasabing ito ay pakiusap ng magulang ng mga biktima.
Hindi ko maaaring panghimasukan ang paninindigan ng mga isinasangkot at naghahabla sa mahiwagang dengvaxia scandal. Subalit sa isinasangkot at naghahabla sa mahiwagang dengvaxia scandal. Subalit sa kanilang pakikiisa sa Semana Santa, maging bahagi sana ng kanilang pagtitika ang paglutang ng katotohanan.
Hanggang hindi lumilinaw ang nabanggit na iskandalo, ang sinasabing mga biktima ng dengvaxia ay mananatiling nagbibiling-baligtad, wika nga, sa kani-kanilang mga libingan.