Ni Annie Abad
INATASAN ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William Ramirez ang lahat ng sports coordinators na dumalo sa lahat ng multi sports events na proyekto ng ahensya.
Ito ang naging tema ng pakikipagpulong ni Ramirez sa 30 sports regional coordinators sa buong bansa sa ginanap na Philippine Sports Institute National Coordinators’ Meeting nitong Lunes sa PhilSports Complex (dating Ultra) sa Pasig City.
“All sports coordinators should have to and be present in all of PSC’s major events like the Batang Pinoy and PNG in order for us to achieve full coordination,” ayon kay Ramirez.
Tinalakay din sa nasabing pagpupulong ang susunod na plano ng PSC para sa gaganaping Batang Pinoy, Philippine National Games at Children’s Games.
Sinuri rin ng mga sports coordinators ang mga naisagawang proyekto na nga PSC buhat noong nakaraang taon hanggang ngayong unang yugto ng taong 2018 kung saan ikinatuwa nila ang tagumpay ng isa sa mga kilalang proyekto ng PSC pagdating sa grassroots development, ito ang Children’s Games kung saan sinuwestiyon nilang magkaroon ng edisyon sa kani kanilang mga lugar.
Isa si Leo Pollentes, sports coordinator ng Misamis Occidental at Cagayan de Oro, na pursigidong ganapin ang Children’s Games sa nasasakupang lalawigan.
“We haven’t had a Children’s Games in our area, but I was fortunate enough to join the one in Siargao. And there I saw for myself, the genuine smile of the children. The smile of true happiness,” pahayag ni Pollentes
“Through the Children’s Games, we put a heart-print on every heartbeat. I really hope that we continue with the Children’s Games. It is a humble project, but the impact is there,” ayon naman sa sports coordinator ng Luzon na si Haydee Ong.
Samantala, masaya namang ipinahayag ni dating SEA Games long jump Queen Elma Muros-Posadas, na isa sa mga dapat tutukan ay si Samantha Gem Limos, na nakatakdang katawanin ang bansa sa Southeast Asian Youth Athletics na gaganapin sa Thamassat Universities Sports complex sa Bangkok, Thailand.