Ni Celo Lagmay
NAKAPANGINGILABOT ang hudyat na inihatid ng utos ni Pangulong Duterte sa mga tsuper at operator ng mga colorum public utility vehicles (PUVs): Arestuhin at ikulong; kung manlalaban at malalagay sa panganib ang mga pulis, itulad sila sa mga illegal drug suspect at patayin. Ang naturang direktiba ay bunsod ng malagim na pagbulusok sa bangin sa Occidental Mindoro kamakailan ng Dimple Star Transport, na ikinamatay ng 19 katao at ikinasugat ng maraming iba pang pasahero. At hindi lamang mga alagad ng batas ang kanyang inatasan kundi maging local officials at higit sa lahat, ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board at iba pang transportation agencies.
Naniniwala ako na ang panggagalaiti ng Pangulo ay maaaring hindi nakatuon sa nabanggit na kumpanya ng transportasyon bagamat kailangan pa ring alamin ang sistema ng operasyon nito. Personal pa nga siyang nagtungo sa Sablayan sa nasabing lalawigan upang makiramay sa mga biktima ng trahedya. Maaaring sumagi sa isip ng Pangulo na walang sinuman, lalo na ang mga tsuper at operator ng mga lehitimong transportasyon, ang maghahangad na malagay sa panganib ang mga pasahero. Sabi nga, hindi maiiwasan ang anumang aksidente; mababawasan lamang.
Sa anu’t anuman, dapat lamang paigtingin ang pagtugis o crackdown ng mga colorum transport sa buong bansa. Masyado nang talamak ang gayong ilegal na mga sasakyan, kabilang na ang mga taksi at motorsiklo, na nagpapasada sa mga lansangan. Sila ang walang pakundangan sa pagpapaharurot na malimit nasasangkot sa mga aksidente. At walang kalaban-laban ang mga naaaksidente sapagkat walang mga insurance policy ang nasabing mga transportasyon.
Isa pa, ang gayong mga sasakyan ang nagiging dahilan ng walang katapusang pagsisikip ng trapik sa buong bansa. Sila ang nagmimistulang mga hari ng lansangan. Sa kahabaan ng Edsa, halimbawa, libu-libong mga colorum buses ang matagal nang paroo’t parito subalit hindi man lamang nababawasan bagkus nadadagdagan pa.
Sa bahaging ito ko nasakyan ang matinding galit ng Pangulo sa mga sasakyang colorum. Mistula niyang pinatamaan ang mga tauhan ng gobyerno – mga pulis at iba pang alagad ng batas, mga opisyal ng LTFRB, LTO at mga opisyal ng local government units – na pabaya at walang kakayahang lutasin ang problema sa trapik dahil sa pagdagsa ng naturang mga illegal transport.
Ang kawalan nila ng malasakit sa paglutas ng nasabing problema ay laging nababahiran ng pangungulimbat at kasakiman sa kapangyarihan. Matauhan kaya sila sa pasaring o patama ng Pangulo?