Ni Martin A. Sadongdong at Fer Taboy

Kinondena kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang umano’y pambubugbog sa anim na bagong graduate na kadete ng PNP Academy (PNPA) mula sa kamay ng kanilang underclass men matapos ang kanilang commencement exercises sa Silang, Cavite noong nakaraang linggo.

Gayunman, sinabi ni PNP chief, Director General Ronald dela Rosa na ang pambubugbog ng underclass men sa kanilang upperclass men ay isang “on-and-off tradition” sa cadet core, na ayon sa kanya ay “not sanctioned by the PNPA management.”

Ayon naman kay PNPA director, Chief Supt. Joseph Adnol, nasa 41 kadete ngayon ang iniimbestigahan kaugnay sa panggugulpi sa anim na miyembro ng PNPA Maragtas Class of 2018, na nagtapos nitong Marso 21.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Nangyari umano ang insidente sa PNPA barracks sa pagitan ng 4:00 hanggang 5:00 ng hapon, pagkaalis ni Pangulong Duterte sa akademya.

Inihayag ni Adnol na ang “interes ng mga kadete” ay ‘tila “personal na alitan” sa kanilang upperclass men matapos gulpihin ang underclass men gamit ang arnis sticks at bato. Aniya ang mga sangkot ay ang mga nasa kanilang third year sa PNPA, at magtatapos sa 2019.

Nabatid na 15 sa 41 kadete ang sinampahan ng kasong administratibo habang siyam naman ang kakasuhan ng kriminal dahil dalawa sa mga biktima ang magdedemanda sa Silang Police.

Kinilala ang siyam na sina 2Cs Donald Ramirez Kissing, Jem Camcam Peralta, Clint John Baguidodol, Paul Christopher De Guzman Macalalad, Loreto Aquino Tuliao Jr., at silang may mga apelyidong Delos Santos, Calamba, Coplat, at Amanon.

Nabatid na nagsampa ng kaso sina Insp. Ylam Lambenecio at Arjay Divino habang ang apat na biktima ay sina Insp. Mark Kevin Villares, Floyd Traquena, Jan Paul Magmoyao, at Jail Insp. Arjay Cuasay.