Ni Mary Ann Santiago
Maging si Hesus ay biktima rin ng “fake news” at propaganda.
Ito ang inihayag ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kahapon, Linggo ng Palaspas at hudyat ng pagsisimula ng Mahal na Araw.
Ayon kay Father Jerome Secillano, noong una ay masaya pang sinalubong ng mga tao si Hesus sa pagpasok niya sa Herusalem ngunit dahil sa ginawang propaganda at fake news ng mga kataas-taasang pari noon laban kay Hesus, na giit nila ay nagpapanggap lamang na anak ng Diyos, ay nagalit ang mga tao sa Kanya at nagnais na ipako Siya sa krus.
“Biktima rin ng propaganda si Hesus, eh, biktima ng fake news ‘ika nga,” sinabi ni Secillano, executive secretary ng public affairs committee ng CBCP, sa panayam sa radyo. “Matindi ‘yung ginawang propaganda ng mga kataas-taasang pari noon kasi naapektuhan sila. ‘Itong taong ito mukhang ang daming naniniwala, ah, ‘yung mga sinasabi niya mukhang tinatanggap talaga.”
Dismayado naman ang pari dahil hanggang sa ngayon, aniya, ay marami pa rin ang nagpapakalat ng fake news at gumagawa ng mga propaganda upang makapanira ng kapwa.
“Kung paulit-ulit ang mga sakdal, paulit-ulit ang mga paninira, ang tao talaga napapaniwala,” aniya.