Ni Clemen Bautista
NAGING bahagi na ng ating tradisyon at kaugalian ang pag-uwi sa bayan sa lalawigan tuwing Semana Santa. Pangunahing layunin ng pag-uwi ay makapagbakasyon, makiisa at makibahagi sa mga religious activity tulad ng Via Crucis o Way of the Cross sa simbahan at mag-Visita Iglesia.
Bukod sa mga nabanggit, ang pag-uwi ng ating mga kababayan sa kani-kanilang bayan sa lalawigan ay upang makapagsimba at sumama sa prusisyon tuwing Miyerkules Santo, Biyernes Santo at Linggo ng Pagkabuhay. May tumutulong naman at nakikibahagi sa mga Pabasa ng kanilang pamilya, kamag-anak, at angkan.
Sa Rizal, kasabay ng paggunita ng Semana Santa ay simula ng paglulunsad ng Lakbay-Alalay. Ang Lakbay-Alalay ay programa ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Rizal Engineering District 1 at ng Rizal Engineering District II na pinangungunahan nina District Engineer Nestor Cleofas at District Engineer District Boying Rosete.
Ayon kay District Engineer Nestor Cleofas, ng Rizal Engineering District 1, na pumalit kay District Engineer Roger Crespo na nalipat sa Lucena City, ang Lakbay-Alalay ay sisimulan ngayong Lunes Santo at matatapos sa tanghali ng Easter Tuesday. Ang pinaka-station naman ng Rizal Engineering District 1, ayon kay Engineer Bucth Monakil, Assistant District Engineer (ADE), ay nasa km 34*50 ng Manila East Road sa Binangonan, Rizal. May nakaantabay na apat na service vehicle at tatlong dump truck na tutulong sa mga motoristang magkakaproblema sa paglalakbay at pag-uwi sa kanilang bayan. Dalawang team, na binubuo ng 15 katao, ang naka-duty. Bawat team ay naka-duty ng 12 oras.
Ang mga service vehicle ang umiikot at naka-monitor sa kalagayan ng 16 na road section sa unang distrito ng Rizal.
Tutulong sa mga magkakaaberya sa paglalakbay at sa mga magbi-Visita Iglesia sa iba’t ibang simbahan sa Rizal.
Gayundin sa mga lalahok sa penitential walk paahon ng Antipolo City, sa gabi ng Huwebes Santo hanggang sa umaga ng Biyernes Santo.
Sa bahagi naman ng Rizal Engineering District ll, ayon kay District Engineer Boying Rosete, ang station ng Lakbay-Alalay sa ikalawang distrito ng Rizal ay nasa km.45 *300 Sakbat Road, Morong, Rizal. Sa nasabing lugar dumaraan ang mga motorista at ang mga kababayan natin na umuuwi ng Laguna at Quezon. May mga tauhan ang Rizal Engineering District ll na naka-duty ng 24 oras. Nahahati sa tatlong shift. Alas 6:00 ng umaga hanggang alas 2:00 ng hapon ang una. Ang ikalawang shift ay mula alas 2:00 ng hapon hanggang alas 10:00 ng gabi; at ang pangatlong shift ay mula alas 10:00 ng gabi hanggang alas 6:00 ng umaga. Naka-monitor at naglilibot sa road section ng mga bayan sa eastern Rizal. Tutulong sa mga magkakaproblema sa paglalakbay at pagbi-Visita Iglesia sa iba’t ibang simbahan sa silangang bahagi ng Rizal. Ang mga simbahan doon na itinayo ng mga misyonerong paring Franciscano at Heswita ay mahigit 400 taon na.
Ang inilunsad na Lakbay-Alalay ay batay sa utos ni Director Samson Hebra, ng DPWH Region lV-A Calabarzon. Saklaw ng kautusan ang lahat ng district engineer at equipment