Ni Celo Lagmay
NANG iutos kamakalawa ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang pag-aresto sa mga gumagamit ng sirena, blinkers at LED lights, nalantad ang muling pamamayagpag ng mga pangahas sa pagpapaatungal at pagpapasilaw ng naturang mga instrumento. Sa kanyang tagubilin sa PNP Highway Patrol Group, naniniwala ako na may lohika ang pagtuon ng pansin ni PNP Director General Ronald dela Rosa sa mga pulitiko, lalo na sa mga mambabatas at iba pang opisyal ng pamahalaan na ang mga sasakyan ay nagtataglay ng mababang numero ng plaka.
Sa paminsan-minsang paggulantang ng nasabing mga instrumento na lalong tanyag sa taguring “wang-wang”, lalong dapat pagbalingan ng atensiyon ng PNP ang karaniwang mga motorista na wala ring pakundangan sa gayong ilegal na gawain.
Ang paggamit ng naturang mga gadget o instrumento ay ginagawang lisensiya sa paglabag sa mga batas at ordinansa sa trapiko at hindi malayong sa iba pang krimen.
Ang PNP, kung sabagay, ay hindi naman nagpapabaya sa pagtupad ng makabuluhang misyon nito. Patuloy ang kanilang pagtugis sa mga pangahas at buong pagmamayabang na nagpapaangil ng mga sirena. Katunayan, kamakailan lamang, mahigit 5,000 sirens, blinkers, mufflers at LED lights ang winasak sa loob mismo ng Camp Crame. Sapat na ito upang maghatid ng mensahe sa sinumang maghahari-harian sa mga lansangan.
Magugunita na ang walang patumanggang paggamit ng “wang-wang” ay mahigpit na ipinagbawal noong administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino. Katunayan, naging tampok ito sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA); ang bahaging ito ng kanyang talumpati, sa aking pagkakatanda, ang umani ng masigabong palakpakan at standing ovation.
Sa matalinghagang paglalarawan, ang naturang pahayag ng dating Pangulong Noynoy ay hindi lamang tuwirang pagpapatigil sa paggamit ng nasabing mga instrumento; ito ay naglalayong lipulin ang mga katiwalian at masamang sistema na gumigiyagis sa gobyerno.
Magugunita rin na ang pagbabawal sa paggamit ng nabanggit na mga instrumento ay ipinagbabawal na ng Presidential Decree 96 na isinabatas noong panahon ni yumaong Pangulong Ferdinand Marcos. Itinatadhana nito na tanging mga police cars, fire trucks at ambulansiya ang pinahihintulutang gumamit ng sirena, blinkers at mufflers.
Ngayon dapat paigtingin ng PNP – at ng iba pang ahensiyang pangseguridad ng gobyerno – ang pagtugis sa mga pangahas at pasimuno sa paggamit ng nabanggit na mga instrumento na maliwanag na sumasagisag sa pagmamalabis ng ilang sektor ng sambayanan.