Ni Marivic Awitan

BINUHOS ng Adamson University ang lakas sa paghataw upang magapi ang University of Santo Tomas, 6-0, at maitala ang makasaysayang eight-peat kahapon sa UAAP Season 80 softball tournament sa Rizal Memorial Baseball Stadium.

Hirap ang Tigresses sa kabuuan ng laban, habang matikas ang Lady Falcons sa 10 hits para manaig sa winner-take-all Game 3.

“Ini-expect ko close game. Pero hindi naging close game. Nagtama talaga sila,” pahayag ni Adamson University coach Ama Santiago.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Ang panalo ang ika-17 pangkalahatang titulo ng Lady Falcons na pinangunahan nina Lyca Basa at Edna Severino na nahirang na co-Finals MVP.

Limang batters ang pinagretiro ni Basa habang tatlong hits lamang ang ibinigay nito sa Tigresses habang nagtala si Severino ng RBIs sa 3rd at 5th inning, bukod sa perpektong 4-of-4 hitting.

Tinanghal na season MVP si Jeanette Rusia bukod pa sa parangal na Most Homeruns at Most RBI habang ang mga kakamping sina Nicole Padasas at Severino ang nagwaging Best Hitter at Most Stolen Bases awards, ayon sa pagkakasunod.

Naging konsolasyon naman para sa UST ang pagkakahirang kay Ann Antolihao, bilang Best Pitcher,.

Kasama nilang tumanggap ng individual honors sina Aimee Salvador ng University of the East bilang Best Slugger at Ingrid Laurel ng Ateneo bilang Rookie of the Year.