Ni MARY ANN SANTIAGO

Pinasok at walang awang binaril sa mata ng isang hindi kilalang suspek na nakasuot ng maskara ang isang obrero sa harapan ng kanyang kinakasama sa loob ng kanilang bahay sa Binondo, Maynila, nitong Linggo ng gabi.

Dead on the spot si Ariel Cain, 37, construction worker, ng Parola Compound, Binondo, dahil sa isang tama ng bala sa kaliwang mata.

Patuloy pang inaalam ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng gunman.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Station 11, nangyari ang pamamaril sa loob ng bahay ng biktima, dakong 7:28 ng gabi.

Sa pahayag ng live-in partner ng biktima na si Mary Jean Sumaya, 39, nakahiga at matutulog na si Cain nang biglang pumasok sa kanilang bahay ang isang armadong suspek na nakasuot ng maskara at binaril sa mata ang biktima.

Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang pamamaril.

Kaagad humingi ng tulong sa mga kapitbahay si Sumaya upang dalhin sana sa pagamutan ang kinakasama, subalit binawian na ito ng buhay.

Bigo naman si Sumaya na makilala ang suspek dahil sa suot nitong itim na maskara.

Masusing sinisiyasat ng awtoridad ang insidente upang matukoy ang motibo sa krimen, at agarang maaresto ang suspek.