Ni GENALYN D. KABILING

Tutol si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte sa panukalang magpapahintulot ng diborsiyo sa bansa sa kabila ng lumalakas na suporta rito sa Kongreso, inilahad ng Malacañang kahapon.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nababahala ang Pangulo sa masamang epekto ng pagdidiborsiyo ng mag-asawa sa kanilang mga anak.

“Ayaw sana niya magkomento pero since nagbotohan na naman sa Kamara, ang Presidente ay tutol sa divorce. Ang sabi niya kawawa yung mga anak,” sinabi ni Roque sa press conference sa Camarines Sur.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Kung magkakaroon ng divorce, mawawalan ng karapatan ng magsampa ng kaso yung mga asawa na pinabayaan ng mga asawa nila matapos sila mag-divorce. ‘Yan ang position niya,” aniya.

Inamin ni Roque na noong una ay tumanggi ang Pangulo na magkomento sa divorce bill na nakatakdang pagdedebatehan sa Kongreso.

Kamakailan ay ipinasa ng House of Representatives sa ikalawang pagbasa ang panukalang nagpapahintulot ng diborsiyo at nagkakaloob ng abot-kayang court proceedings.

Sa ilalim ng panukala, maaaring kumuha ng absolute divorce ang mga mag-asawa sa ilang batayan, kabilang ang pang-aabuso, pangangaliwa at irreconcilable differences. Pinapahintulutan din ng hakbang ang divorced spouse na magpakasal sa ibang tao sa civil o religious ceremony. Kasama rin sa mga probisyon nito ang pangangalaga at kustodiya sa mga anak.

Umapela ang mga obispong Katoliko sa Kongreso na muling pag-isipan ang pagpasa sa divorce bill dahil sa mga pangambang maaari itong mauwi sa pagkawasak ng pagsasama ng maraming mag-asawa.

Ang Pilipinas at ang Vatican ang nalalabing dalawang bansa sa mundo na ipinagbabawal ang diborsiyo.