Ni Argyll Cyrus Geducos, Ben Rosario, at Mary Ann Santiago

Nilinaw ng Malacañang na walang kinalaman si Pangulong Duterte sa desisyon ng Department of Justice (DoJ) na isailalim sa Witness Protection of Program (WPP) ng kagawaran ang tinaguriang utak ng “pork barrel” scam na si Janet Lim-Napoles.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque makaraang kumpirmahin ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na isinailalim sa provisional coverage ng WPP si Napoles.

Sa isang panayam sa radyo nitong Biyernes ng gabi, sinabi ni Roque na wala nang panahon si Pangulong Duterte para pakialaman pa ang mga ahensiyang nasa ilalim ng Executive Branch dahil masyado na itong abala sa pangangasiwa sa bansa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

‘DI NANGHIHIMASOK

“Hindi naman po pinanghihimasukan ng Presidente ang lahat ng bagay na nangyayari sa mga departamento. Otherwise, wala na pong panahon ang Presidente para mamuno sa bayan,” sinabi ni Roque sa panayam ng DZMM.

“Hinahayaan na po ng Malacañang itong desisyon kung tatanggapin sa Witness Protection Program si Janet Lim-Napoles diyan sa mga prosecutors at kay Secretary Vitaliano Aguirre II,” dagdag pa ni Roque. “Mayroon naman pong proseso, sang-ayon sa batas, kung paano makakapasok sa Witness Protection Program ang gaya ni Janet Lim-Napoles.”

Gayunman, nilinaw ni Roque na hindi pa pormal na tinatanggap sa WPP si Napoles, kundi nasa protective custody lamang, at inaalam pa ng mga prosecutor ng DoJ kung kuwalipikado itong mapasailalim sa programa.

‘DI PA PINAL SA WPP

“Ang ibig sabihin lang po ng protective custody, pag-aaralan na ng mga piskal kung siya’y dapat pumasok sa WPP. Pag-aaralan pa po iyong mga affidavit na kanyang isinumite, pero hindi pa po siya formally admitted to the Witness Protection. Hindi pa po,” ani Roque.

Una nang sinabi ni Aguirre na mayroong affidavit si Napoles na naglalahad ng mga karagdagang detalye tungkol sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam noong 2013, na naging dahilan ng pagkakapiit nito.

LOKOHAN?

Umani naman ng batikos ang pagsasailalim ng DoJ kay Napoles sa proteksiyon ng pamahalaan.

Sa magkakahiwalay na pahayag, iginiit ng mga kasapi ng mga minorya sa Kamara na Makabayan at Magnificent Seven, na ang paggamit kay Napoles bilang state witness ay malinaw na panloloko sa justice system sa bansa.

“The liberation of Napoles as the principal accused in the ‘mother of all scams’ in order to be awarded a stellar role as state witness is a mockery of the justice system,” ani Albay Rep. Edcel Lagman, pinuno ng Magnificent Seven.

“Since Napoles is indicted as the brains in various plunder cases consequent to the PDAF scam, she does not qualify to become a state witness.”

Sinabi naman ni Makabayan Rep. Carlos Isagani Zarate, ng Bayan Muna Party-list, na sa naging pasya ng DoJ ay malinaw na gagamitin umanong armas ng gobyerno si Napoles “to retaliate” laban sa mga kritiko ng administrasyong Duterte.

AN’YARE?

Dismayado rin si Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos sa aniya’y kahina-hinala at mga kuwestiyonableng desisyon ng DoJ sa kaso ni Napoles at sa pagpapawalang-sala kamakailan sa ilang high-profile drug suspects.

“What is happening with our DoJ? There are very much questionable and suspicious decisions,” ani Santos. “One, how can three very known, confessed drug lords be absolved? With this ‘war on drugs’ becomes joke? It is only the poor, the one ordinary, small fish are convicted. A disgusting decision, dishonourable action. Justice is not served.”

Pinuna rin ng obispo ang pagbibigay ng proteksiyon ng pamahalaan sa itinuturing na utak ng pork barrel scam.

“Second, how can a mother and mastermind of all scams be given a provisional witness protection? What she did was theft at the largest scale. There was graft and corruption, conspiracy to steal people’s money, and because of her many people suffered especially the poor,” dismayado pang pahayag ni Santos.