Mga laro ngayon
(Filoil Flying V Center )
8 am La Salle vs. NU (M)
10 am UE vs. UST (M)
2 am Adamson vs. UE (W)
4 am La Salle vs. FEU (W)
SA ikalawang pagkakataon ngayong season, pinataob ng Far Eastern University ang reigning men’s champion Ateneo de Manila, 25-27, 25-26, 25-20, 21-25, 16-14 kahapon sa second round ng UAAP Season 80 volleyball tournament sa Fil Oil Flying V Center.
Nakakalamang na ng dalawa, 11-9 sa decider set ang Blue Eagles nang magtala ng limang sunod na puntos ang Tamaraws sa pangunguna nina skipper Richard Solis at RJ Paler upang makuha ang unang matchpoint, 14-11.
Subalit binigyan pa nila ng tsansa na tumabla ang Blue Eagles dahil sa tatlong sunod na unforced errors bago kinuha ang ikalawang matchpoint sa pamamagitan ng isang kill mula kay Reynold Bautista bago tuluyang sinelyuhan ni Solis ang panalo sa pamamagitan ng isang backline hit.
Dahil sa panalo, umangat ang Tamaraws sa markang 7-2, isang panalo ang pagkakaiwan sa kanilang biktima na bumaba sa ikalawang puwesto kasunod ng solong lider na ngayong National University (8-1) hawak ang markang 8-2.
Pinangunahan ni Paler ang nasabing panalo sa ipinoste nitong 17-puntos na kinabibilangan ng 13 hits at 4 na blocks.
Nabalewala din ng nasabing panalo ang season high 39- puntos ni reigning MVP Marck Espejo.
Sa unang laban, binawian ng Adamson ang first round tormentor University of the Philippines matapos nitong gapiin ang huli, 29-27, 28-26, 25-10.
Dahil sa tagumpay na pinangunahan ni Royce Bello na umiskor ng 17-puntos, tumaas ang Falcons sa barahang 4-6 at lumakas ang tsansang umabot ng Final Four round.
Bumaba naman ang Fighting Maroons sa kartadang 3-6. (Marivic Awitan)