ANG isa pang Punong Mahistrado ng bansa na sumalang sa impeachment proceedings ay si Renato Corona. Nagkaroon lang ng majority caucus noong Disyembre 12, 2011 upang aprubahan ang impeachment complaint at bumoto ang Kamara de Representantes para iendorso ang reklamo sa Senado. Nagsimula ang paglilitis sa Senado noong Disyembre 14, 2011, at natapos noong Mayo 29, 2012, at hinatulan si Corona sa mga kaso tungkol sa pagkakanulo sa tiwala ng publiko.
Limang buwan na ang nakalipas nang ihain ang impeachment complaint laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Sa nasabing panahon, isinasahimpapawid ng komite ng Kamara ang paglilitis sa maraming saksi, kabilang ang mga mahistrado ng Korte Suprema, na tumestigo sa maraming isyu, kabilang ang pagkabigo umano ni Sereno na mag-ulat ng kanyang kita sa Statement of Assets, Liabilities, and Networth bilang isang abogado bago siya iluklok sa korte, ang pagkakatalaga sa kanya bilang consultant na may mataas na sahod, ang pagbalewala sa standard court procedures, at maging ang mababa niyang rating sa psychological test nang ikonsidera ng Judicial and Bar Council ang mga kandidato para sa punong mahistrado noong 2012.
Nitong Martes, inihayag ng House Committee on Justice na hindi pa rin ito makapagdesisyon kung ano ang mga artikulong ipapaloob sa impeachment na ipadadala sa Senado para sa paglilitis. Ayon sa committee chairman, kailangan pa nito ng sapat na panahon upang makapaghanda ng komprehensibong impeachment document para sa “very strong case” laban kay Sereno.
Sa ngayon, habang binibigyan ng sapat na panahon ang komite, dalawang iba pang pagkilos ang inilunsad laban sa mahistrado.
Isa na rito ang quo warranto case na inihain ng Solicitor General na nagsasabing ang kanyang 2012 appointment ay void ab initio – mula sa simula – sa pagkabigo niyang maisumite ang mga requirement para sa pagtalaga sa kanya.
Ito ay dininig ng Korte Suprema, na marami sa mga miyembro ay tumestigo laban sa kanya sa paglilitis.
Ang isa pa ay ang panawagan sa kanya na magbitiw sa puwesto. Ito ay ipinanawagan ng executive at congressional officials, sa kadahilanang nais isalba ang institusyon “from further damage.”
Nitong Lunes, sa flag ceremonies, nakiisa ang mga hukom at empleyado sa korte sa panawagang magbitiw si Sereno.
Tinanggihan ni Chief Justice Sereno ang panawagan, sinabing idedepensa niya ang kanyang sarili sa paglilitis sa Senado.
Kung ang nangyari kay Corona ay indikasyon, aabutin pa ng ilang buwan bago mapagdesisyunan ang kaso ni Sereno.
Kahit pagkatapos noon, hindi pa rin pinal na maisasaayos. Ang daming hindi makatanggap sa kaso, marami sa mga ito ay nakakauunawa lamang sa constitutional basis para sa impeachment. Ngunit kinakailangan nating sumailalim sa proseso. Ang anumang ibang proseso ay magiging kuwestiyonable.