Ni Mary Ann Santiago

Kumpiyansa si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na mababasura lang ang mga kasong paglabag sa election law na inihain laban sa kanya sa Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng pagbili ng bakuna kontra dengue na Dengvaxia, dahil wala aniya itong saysay at malinaw na harassment lamang.

Sa kanyang pagdalo kahapon sa preliminary investigation ng Comelec sa kaso, mariing pinabulaanan ni Aquino ang mga akusasyong lumabag siya sa election law nang bumili ng P3.5-bilyon halaga ng Dengvaxia, na ginamit sa malawakang anti-dengue vaccination program bago ang eleksiyon noong Mayo 2016.

Paliwanag ni Aquino, ang purchase order para sa naturang bakuna ay inilabas noong Marso 9, 2016, o 16 na araw bago ipatupad ang election ban noong Marso 25, 2016.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

“Ang election ban nagsimula noong March 25, 2016. Ang issuance ng purchase order ng Dengvaxia ay March 9, 2016. Ang mga naghain ng reklamo dapat sinuri po ito,” sabi ni Aquino.

Pinabulaanan din niya ang bintang na sangkot ang kanyang administrasyon sa electioneering matapos na gumastos umano ng pera para paboran ang isang kandidato.

Giit niya, walang katotohanan ang lahat ng ibinibintang sa kanya at sinabing nahilo siya nang basahin ang aniya’y hindi klaro, walang saysay, walang kabuluhan, at kathang-isip na reklamo laban sa kanya.

Wala rin aniyang mga pruweba na magpapatunay na may nilabag siyang anumang batas nang bilhin ang Dengvaxia, kaya malinaw a harassment lamang ang paghahain ng kaso laban sa kanya.

“Ang mga nagreklamo ay tinulungan ng mga abogadong aral sa batas at pumasa ng Bar. Tanong, bakit kaya itinuloy pa ito? Klaro namang harassment lang ang punto,” aniya.

Posible rin aniyang nagpapapansin lamang kay Pangulong Duterte ang mga naghain ng kaso laban sa kanya upang maitalaga sa puwesto.

“Tama marahil ang sinasabi ng iilan na hindi katarungan ang layunin dito, kundi ang magpapansin para ma-appoint yata sa puwesto,” sabi ni Aquino. “Inaasahan po nating gagawin ng Comelec ang tama at iyan ay i-dismiss ang kaso sa lalong madaling panahon.”

Inilunsad ng administrasyon ni Aquino ang malawakang pagbabakuna kontra dengue noong Abril 2016, o isang buwan bago ang presidential elections, at mahigit 800,000 mag-aaral ang naturukan sa Metro Manila, Regions 3 at 4A, na may pinakamaraming kaso ng dengue.

Ipinatigil na ngayong taon ang programa matapos na aminin ng Dengvaxia-maker na Sanofi Pasteur na magkakaroon ng panganib na tamaan ng mas malalang dengue ang mga taong hindi pa nagka-dengue na nabakunahan.

Bukod kay dating Pangulong Aquino, kinasuhan din ng Volunteers Against Crimes and Corruption (VACC) sa Comelec sina dating Budget Secretary Florencio Abad at dating Health Secretary Janette Garin.