KINUMPIRMA ni Cavite Governor Jesus Crispin Remulla nitong Miyerkules na tumaas ang kaso ng dengue sa lalawigan ng Cavite, ngunit klinaro niya na ito ay “not a province-wide outbreak.”
Inilabas ni Remulla ang tungkol dito makaraang maiulat ang datos mula sa Cavite Health Office’s Provincial Epidemiology & Surveillance Unit (PESU) na tumaas ang kaso ng dengue sa 64 porsiyento ngayong taon.
Inihayag ng grupo ng mga doktor mula sa PESU, na pinamunuan ni Dr. Nelson C. Soriano, na ang dengue report ay simula noong Enero 1 hanggang Marso 11, at 1,499 kaso ang iniulat ngayong taon kumpara sa 944 sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Gayunman, mabilis na nilinaw ng PESU sa publiko na ang pagtaas ng kaso ng dengue kamakailan ay walang kinalaman sa Dengvaxia o sa bakuna sa dengue.
Binigyang-diin niya na nakasaad sa report na ang edad ng mga biktima ay apat na buwan hanggang 95 at karamihan sa ay mga lalaki (54%).
Idinagdag pa ng PESU na, “Of the total cases reported during this period, 1,007 (or 67%) were hospitalized, 19 (or 1%) were laboratory-confirmed, and five reported deaths.”
May tig-isang katao ang nasawi sa bayan ng Alfonso, Silang at sa lungsod ng Dasmariǹas samantalang ang dalawa ay mula sa bayan ng Tanza.
Isiniwalat din ng PESU na ang lungsod o bayan na may pinakamalaking bilang ng kaso ay ang General Trias na mayroong 15% o 219 na naiulat na kaso; sinundan ito ng Naic (171), Bacoor City (168), Imus City (165), Tanza (121), Dasmariǹas City (110), Trece Martires City (92), Rosario (91), Noveleta (63) at Silang (56).
Mayroon ding iniulat na kaso sa Cavite City (47), Kawit (41), Indang (32), Carmona (26), Mendez (18), Gen Mariano Alvarez (GMA, 17), Amadeo (14), Alfonso (13), Tagaytay City (12), Maragondon (9), Ternate (7), General Emilio Aguinaldo (5) at Magallanes (2).
Mula Marso 5 hanggang 11, ang mga barangays na mayroong tatlo o higit pang kaso ay kinabibilangan ng Pasong Camachile I, II at Pinagtipunan sa General Trias City; Molino III sa Bacoor City, Ibayo Silangan, Balsahan, Kanluran, Halang, San Roque at Bucana Sasahan of Naic; Perez (Lucbanan) at De Ocampo sa Trece Martires City, San Antonio I at San Jose I sa Noveleta.
Binanggit din ni Remulla na ayon sa Health Board, mahalagang magsagawa ng home-based clean-ups sa mga komunidad.
Nagsasagawa ang Provincial Health Office ng sunud-sunod na pagsubaybay at pagpapalaganap ng impormasyon upang mapag-ingat ang mga apektadong lugar at balaan ang mga lokal na komunidad.
Nagsasagawa na rin ng mga aksiyon upang mapamahalaan ang kapaligiran, upang mapigilan ang pagdami ng mga lamok, gayundin ang pagsisiguro na ginagampan ng mga mamamayan sa buong komunidad ang kanilang bahagi sa paglilinis ng mga lugar na pinamumugaran ng lamok, upang maiwasan ang pagkakaroon ng dengue outbreak.