Nina BETH CAMIA at JEFFREY DAMICOG
Sa gitna ng kabi-kabilang batikos na natatanggap sa pagbasura ng Department of Justice (DoJ) sa drug trafficking case laban kina Peter Lim, Kerwin Espinosa at sa 17 iba pa, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na gagamitin niya ang kanyang kapangyarihan para marepaso ang nasabing desisyon ng National Prosecution Service (NPS) ng kagawaran.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na dismayado mismo ang Pangulo sa naging pasya ng DoJ at desidido ang Presidente na gamitin ang power of supervision and control nito sa usapin.
Ayon kay Roque, nagalit si Pangulong Duterte sa pasya ng NPS dahil umamin na nga na drug lord ang mga akusado, partikular si Espinosa, sa pagdinig ng Senado para nabasura pa rin ang kaso dahil mahina umano ang ebidensiyang iprinisinta ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Idinagdag ni Roque na sinabihan ni Pangulong Duterte si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na kung nakalaya sa kulungan si Kerwin ay ang kalihim ang ipapalit nito sa kulungan.
Dahil dito, nagkasa na ang DoJ ng panibagong imbestigasyon sa nabasurang reklamo at bumuo ng panel para rito.
“I ordered the creation of a new panel that will handle the review of the DoJ’s resolution on Peter Lim’s case,” sabi ni Aguirre.
Ito ay makaraang magpalabas ng resolusyon ang DoJ panel of prosecutors noong Disyembre 20, 2017 na nagdi-dismiss sa mga kasong paglabag sa Section 26(B) na may kaugnayan sa Section 5 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165) laban kina Lim, Espinosa, Peter Co, Lovely Impal, Marcelo Adorco, Max Miro, Ruel Malindangan, Jun Pepito, at mga alyas “Amang”, “Ricky”, “Warren”, “Tupie”, “Jojo”, “Jaime”, “Yawa”, “Lapi”, “Royroy”, “Marlon”, at “Bay”.
Ang nasabing DoJ resolution ay pirmado nina Assistant State Prosecutors Michael John Humarang at Aristotle Reyes, na may approving signatures nina Acting Prosecutor General Jorge Catalan Jr. at Senior Assistant State Prosecutor Rassendell Rex Gingoyon.
Naghain na ng motion for reconsideration (MR) ang CIDG laban sa nasabing pasya ng NPS.
Ang panel na binuo ng DoJ para muling imbestigahan ang kaso ay binubuo nina Senior Assistant State Prosecutor Juan Pedro Navera, Assistant State Prosecutor Ana Noreen Devanadera, at Prosecution Attorney Herbert Calvin Abugan.
Kasabay nito, pinaiimbestigahan din ni Aguirre sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga imbestigador na nagbasura sa reklamo ng CIDG.