Ni Leonel M. Abasola
NADOMINA ng Senate Defenders ang Malacanang-Philippine Sports Commission kamao, 84-64, nitong Lunes para makopo ang kampeonato ng 6th UNTV Cup.
Hindi nakaporma ang Malacanang sa team effort na ginawa ng Senado, sa pinangungunahan nina dating collegiate star Sen. Joel Villanueva at Sen. Sonny Angara.
“We played as a team and I think that was the key,” pahayag ni Angara, chairman of the Samahang Basketbol ng Pilipinas.
Ito ang unang pagkakataon na makarating sa pinal at nagkampeon ang Senado sa nabanggit na torneo na may nakatayang P4 milyon na ipamimigay sa charity foundation – ang Kythe Foundation Inc, Tanghalang Mapagpala Immaculada Concepcion Inc, at Bahay Pangarap Inc.
Sa nakalipas na season, nagtapos sa hulihan ang Senado at ayon kay Angara, ito ang ginamit nilang motivation.
“Nakuha sa pagpupursige at sa pagtitiyaga. Sinabi namin sa sarili namin na next season, gagalingan at magpopokus talaga kami upang ma execute ang system of plays ni Coach Mike,” ani Angara, vice chair of the Senate committee on sports.