Ni Angelli Catan

Ano nga ba ang pakiramdam kung bigla kang mapunta sa mundo ng paborito mong libro? Pangarap ng halos lahat ng bookworm ang maranasan kung ano ang nararanasan ng karakter sa librong binabasa nila. Posible nga kayang makapasok ang isang tao sa mundo ng libro?

Sa Prague, Czech Republic ay nagawa nilang posible ito. Ito ay sa pamamagitang ng virtual reality o VR. Hindi na bago ang paggamit ng VR, lalo sa mga video games at panonood ng mga pelikula o videos.

Sa Goethe-Institut, na sentro ng German culture sa Prague ay isa ring institusyon kung saan nagoorganisa ng iba’t ibang cultural at educational events na patungkol sa kultura at politika ng Germany. Isa sa installation na mayroon doon ay ang VRwandlung na nanggaling sa titulo ng aklat ni Franz Kafka na Die Verwandlung sa Aleman o The Metamorphosis sa Ingles.

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Ang VRwandlung ay isang virtual reality kung saan ginamit nila ang nobela ni Kafka upang masubukan ito. Isa sa mga unang nakasubok nito ay ang mga estudyante sa Prague’s Austrian Grammar School kasama ang kanilang guro na si Mr. Syrovatka. Nang sinubukan ni Syrovatka ang VRwandlung ay nagulat siya nang makita niya ang kanyang sarili bilang isang malaking insekto.

Ang kuwento ng The Metamorphosis ni Kafka ay tungkol kay Gregor Samsa na biglang naging isang malaking insekto isang umaga pagkagising niya at hindi na makapagsalita at makagalaw ng maayos. Ayon kay Mika Johnson, isang guro sa Prague Film School at Franz Kafka fanatic ay sakto ang nobela ni Kafka sa virtual reality adaptation.

Gamit ang headset ng VR ay matratransform ka papunta sa nobela at matratransform ka ulit sa loob ng nobela bilang si Gregor Samsa na naging isang insekto.

Ipinapakita nito ang makabagong paraan para mapayaman pa ang ating literatura at kung ano ang kakaibang nagagawa ng pagbabasa sa atin na hindi mababago ng kahit anong teknolohiya.

Dahil sa installation na ito sa Goethe-Institut ay maaaring sumunod na ito sa iba pang virtual reality treatment tulad ng VR-gaming. Malaki ang potensyal ng proyektong ito ngunit may mga limitasyon din. Isa na ang gastos sa mismong VR-system dahil sa paggamit nito ng infrared grids para sa sensor sa kamay at paa. Isa ring problema ay ang limitasyon ng mismong kuwento. Kabaligtaran ng VR ang mga libro kung saan may nakatakdang ending na ito at hindi na mababago kumpara sa karaniwang VR na ikaw ang pipili kung paano mo gusto matapos ang isang kuwento o laro.

Sa ngayon ay patuloy pa ring pinag-aaralan ang proyektong ito at mas pinapaunlad upang magamit natin sa hinaharap.

Maliban sa nobela ni Kafka ay sinusubukan din nila na ilagay ang nobela ni James Joyce’s na Ulysses. Nakadepende din ang VR sa kung ano ang nakasulat sa isang libro o teksto. Gustong linawin ni Mr. Johnson na ang VRwandlung ay isa lamang adaptasyon ng isang kuwento sa virtual reality at hindi isang reproduksyon ng mismong akda.

Ang VRwandlung installation sa Goethe-Institut ay magtatagal hanggang sa katapusan ng Marso kaya’t maraming tao pa ang maaaring makaranas ng kakaibang proyektong ito. Makikita at maramdaman mo kung paano maging si Gregor Samsa at malay natin, sa hinaharap ay maaari na rin nating masubukan pumunta sa mundo ng paborito nating libro at maranasan ang pinagdadaanan ng karakter na ating binabasa.