Ni Fer Taboy
Sasailalim sa tatlong araw na air defense training exercises ang mga fighter pilot ng Philippine Air Force (PAF) na gaganapin sa Clark Air Base sa Pampanga, iniulat kahapon.
Ayon kay Maj. Aristides Galang, tagapagsalita ng PAF, ang nasabing pagsasanay ay tinawag na “Sanay Sibat”, isang simulated air defense exercise na layuning palakasin ang flying skills at air tactics ng mga piloto, gamit ang supersonic fighter aircraft na kumpleto sa modernong radar, avionics, at weapons systems.
Aniya, sa loob ng tatlong araw na exercise, ipinakita ng fighter pilots ang kanilang kakayahan sa limang air combat scenarios kabilang ang suppression of enemy air defense, tactical air intercept, at combat air patrol.
Plano ng PAF na gawing semi-annually ang air defense training exercises.
Pinangunahan ni Philippine Air Force (PAF) chief Lt. Gen. Galileo Gerald Kintanar ang isang tactical demonstration flight bilang culminating activity sa tatlong araw na air defense training exercises.
Ipinakita rin sa nasabing pagsasanay ang kapabilidad ng mga biniling FA-50PH fighter jet mula sa South Korea.
Bukod sa FA-50PH, i-dineploy din ng PAF ang kanilang S211 trainer jets.