Ni JIMI ESCALA
KINUMPIRMA ng isang kaibigan naming mambabatas na isa si Dingdong Dantes sa mga pangalang nais isama sa senatorial slate ng Liberal Party para sa nalalapit na eleksiyon.
Dahil dito, ilang beses na raw naiimbitahan ang Kapuso actor sa mga pagpupulong ng partido.
Sa 2019 pa gaganap ang elections para sa mga nag-ambisyong maging senador at local positions pero ngayon pa lang ay halos buo na raw ang line up ng partido na pinamahalaan nina dating Pangulong Noynoy Aquino at dating DILG Secretary Mar Roxas.
Pero sa isang interview kamakailan sa asawa ni Marian Rivera, binanggit niyang mahal niya ang pagiging actor at pinahalagahan pa rin niya nang husto ang kanyang community work.
“Siguro ang tanong diyan, eh, kailangan ba? And I think that’s something I’ll answer by myself alone,” sabi ni Dingdong nang tanungin siya kung papasukin na nga ba niya ang pulitika.
“Sigurado akong hindi na makakatanggi si Dingdong, tuluy-tuloy na ang pagtakbo niya and sa palagay ko, eh, malakas ang laban niya at mananalo siya,” sey ng source namin.
Matatandaang pinamunuan ni Dingdong ang National Youth Commission noong nakaraang administration. Doon pa lang ay may maganda na ang naging training ng actor para maging public servant.
Si Dingdong pa rin ang chairman ng Yes Pinoy Foundation na marami na ang nagagawang proyekto para sa kabataan lalo na ang pagpapatayo ng school buildings sa tulong ng malalapit na kaibigan niya.