Ni Marivic Awitan
MATAPOS ang unang dalawang araw na kompetisyon, nangunguna sa kanilang natipong puntos ang defending champion Arellano University sa seniors division at ang last season runner-up San Beda University sa juniors division sa NCAA Season 93 Track and Field Championship na ginaganap sa Philsports track oval sa Pasig.
Nakatipon ng kabuuang 511.5 puntos ang Chiefs pagkaraan ng unang dalawang araw ng athletics meet, may 52 puntos ang agwat sa pumapangalawang Mapua University na may 459.5 puntos.
Nasa ikatlong puwesto naman ang event host University of Perpetual Help na may 218.5 puntos, dalawang puntos lamang sa dating 5-time champion José Rizal University na may 216.5 puntos habang nasa panglimang puwesto naman ang Letran na may 187 puntos.
Sa juniors division, namamayagpag ang Red Cubs tracksters na may 425.5 puntos kasunod ang Junior Altas na may 396.5 puntos.
Pumapangatlo lamang sa kanila ang reigning titlist Emilio Aguinaldo College-ICA na may 378 puntos kabuntot ang season host San Sebastian College na may 233 puntos at ang JRU Light Bombers na may 197 puntos.
Malakas na tinapos ng Red Cubs ang pemultimste day ng athletics meet sa pamamagitan ng gold medal finish sa javelin throw ,2-3 finish sa 110 meter hurdles at silver medal sa triple jump sa psmamagitan nina Marjoe Igbalic, James Campeciño , Antonino Pineda at Jerico Hilario, ayon sa pagkakasunud.
Nagsipagwagi naman para sa Perpetual sina Edwin Bajo at Bryan Nino Dumaguit sa seniors 800 meter at 110 meter hurdles at sina Aljohn Rabina at Jeric Arcega sa juniors triple jump at 110 m hurdles.
Nakahanap naman ng magmamana ng trono ni dating league MVP at nakaraang SEA Games triple jump silver medalist Mark Harry Diones ang JRU sa katauhan ni Adonis Cordero.
Inangkin ni Cordero ang gold medal habang pinapanood ni Diones makaraang makatalon ng layong 14.64 meters.