Ni Martin A. Sadongdong

Umabot na sa 4,237 drug suspect ang sumuko sa awtoridad sa ilalim ng “Oplan Tokhang” ngayong taon, sinabi kahapon ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Chief Supt. John Bulalacao, tagapagsalita ng PNP, ang naturang bilang ay base sa datos ng PNP’s Directorate for Operations simula nitong Enero 29 hanggang Marso 5 sa 7,159 na aktibidad sa Oplan Tokhang sa buong bansa.

Aniya, ang Central Visayas Police Regional Office (PRO-7) ang nanguna sa pinakamaraming bilang ng pagsasagawa ng Tokhang na umabot sa 1,224 at nasa 476 ang sumuko.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Sinundan ito ng Western Visayas Police Regional Office (PRO-6), 802 at 370 ang sumuko.

Ang Tokhang ay ikatlong bersiyon ng pamahalaan para hikayatin ang mga pinaghihinalaang sangkot sa droga, na napatunayang mas maayos kumpara sa dalawang bersiyon nito.

Samantala, nasa 106 ang nasawing drug personality habang 10,787 naman ang naaresto sa anti-illegal drugs operations sa ilalim ng Oplan Double Barrel Reloaded mula Disyembre 5, 2017 hanggang nitong Marso 5.

Ayon kay Bulalacao, ang mga napatay na drug suspect ay pawang nanlaban sa mga aarestong pulis.