Nina BELLA GAMOTEA at FER TABOY

Nasugatan ang 30 pasahero at bystander matapos magkarambola ang 10 sasakyan nang mawalan umano ng preno ang isang pampasaherong bus sa Parañaque City, kahapon ng umaga.

Sa inisyal na ulat ni PO3 Michael Llonisa, ng Parañaque Traffic Enforcement Unit, naganap ang karambola sa panulukan ng Roxas Boulevard at Airport Road northbound lane ng nasabing lungsod, bandang 8:30 ng umaga.

Nabatid na 30 katao ang nasugatan, 17 sa mga ito ang isinugod sa San Juan De Dios Hospital habang tatlo ang nagtamo ng matinding sugat sa ulo at katawan.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Sa pagsisiyasat, nawalan ng preno ang tourist bus na Classic Leisure International Travel and Tour (TYT-831) na minamaneho ni Ricardo Lope, 48, tubong Pamaasan Ginubatan, Albay, dahilan upang araruhin nito ang mga nakatigil na sasakyan partikular na ang isang bus, apat na jeep, dalawang UV Express van at dalawang motorsiklo.

Sa lakas ng pagkakabangga, nasaktan ang mga pasahero ng jeep at UV Express van habang nabundol ang ilang commuter na nag-aabang ng masasakyan.

Nagdulot ito ng matinding trapik sa nasabing lugar at bumalik sa normal ang daloy ng trapiko makalipas ang dalawang oras nang maialis ang mga naaksidenteng sasakyan.

Samantala, sumuko sa awtoridad si Lope at siya ay mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple physical injury at multiple damages.