Ni ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS
Sa pagdiriwang ng mundo ng International Women’s Day kahapon, ikinalugod ng Malacañang ang pagranggo sa Pilipinas bilang nangungunang bansa na may pinakamaraming babaeng ehekutibo, sa ulat ng Women in Business 2018.
Iniranggo ng Grant Thornton International, Ltd, isa sa pinakamalaking professional services network ng independent accounting at consulting member firms sa mundo, ang Pilipinas sa tuktok matapos i-survey ang 4,500 senior executives sa 35 bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, patuloy na pinagbubuti ng administrasyong Duterte ang buhay ng mga Pilipina sa lahat ng aspeto – economic, social, at political.
“Women and men are equal partners in the pursuit of the country’s development as we all vow to fully implement the magna carta of women this international women’s day,” sinabi ni Roque sa press briefing sa Palasyo kahapon.
Inilahad sa ulat na 46.58 porsiyento ng mga Pinay ay humahawak ng senior management roles sa trabaho, mas malaki ang bahaging ito kaysa global average na 24.14%.
Iniugnay din nito ang top ranking ng Pilipinas sa non-discriminatory policies sa recruitment, paid parental leave, at flexible hours practice.