Ni Czarina Nicole O. Ong

Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman na suspendihin ng isang taon si Talitay, Maguindanao Mayor Montaser Sabal dahil sa hindi pagdedeklara ng kanyang ari-arian sa Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) noong 2011-2015.

Sa desisyon ng anti-graft agency, napatunayang guilty si Sabal sa administrative case nito na Gross Neglect of Duty.

Nag-ugat ang suspensiyon nang mabigo si Sabal na isama sa SALN nito ang kanyang mga ari-arian.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Nabigo ring ideklara ng alkalde ang 14 na iba’t ibang baril, apat na mamahaling sasakyan at mga business interest niya sa general merchandise, construction supplies at accessories.

Tinukoy din ng Ombudsman na nabigo rin si Sabal na makapagpaalam sa kanilang gobernador nang mangibang-bansa ito noong 2010-2016.

Kinuwestiyon din ang kawalan ni Sabal ng kusa at mga panukalang hakbang ng konseho para sa anti-illegal drugs program ng Talitay alinsunod sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Kinumpirma rin nina Municipal Budget Officer Charity Tampoco at Municipal Treasurer Norodin Samaon na hindi kailanman naglaan ng budget ang munisipyo para sa kanilang anti-illegal drug program noong 2010-2015.