Ni Genalyn D. Kabiling
Ang sinumang makakakumpirmang nakararating sa tanggapan ni Pangulong Duterte ang mga kontrata at transaksiyon ng gobyerno ay may tsansang manalo ng… libreng Hong Kong tour!
Ito ang alok na premyo ng Presidente makaraan niyang igiit na hindi siya nakikialam sa mga kontrata ng pamahalaan at ipinauubaya na sa mga Cabinet secretary ang pagbusisi at pag-apruba sa mga dokumentong ito.
“No transaction of government ever, ever reaches on my table,” sinabi ni Duterte sa 10th Filipina Entrepreneurship Summit sa Pasay City nitong Martes.
“Look for any transaction in this government and look for any notes there, or approved or disapproved or cleared, then you would be the luckiest citizen in the… I will give you a free tour sa (in) Hong Kong,” dagdag ng Pangulo.
Ayon sa Presidente, tanging mga appointment paper at iba pang policy paper ang inilalapag sa kanyang mesa para pirmahan niya.
“‘Yung MRT, ‘yung ano niyan, ‘yung bidding, whatever…conversion…Clark, hanggang kay (Transportation Secretary Arthur) Tugade lang ‘yan. DTI, hanggang kay Mon (Secretary Ramon Lopez) lang ‘yan. Kung pagkamina, hanggang kay (Environment Secretary) Roy Cimatu lang ‘yan. Wala akong pakialam,” anang Pangulo. “Ang dumadating sa akin, mga appointments lang, pati ‘yung critical policies—policies, not for approval or disapproval.”
Ayon sa Pangulo, kumpiyansa siyang batikusin ang kanyang mga kritiko dahil wala siyang ginagawang masama.
“Kaya kitang babuyin in public, when agitated ako. Wala kang mahanap sa akin na butas,” ani Duterte.
Hinimok din ng Pangulo ang publiko na isumbong sa kanya ang anumang reklamo tungkol sa kurapsiyon sa pamahalaan at nangakong kaagad niyang aaksiyunan ang mga ito.