Wala ng peteks sa Army-Bicycology Shop; red jersey, target ni Pfc. Cris Joven
HINDI pa tapos ang laban. Ngunit, aminado ang mga miyembro ng Philippine Army-Bicycology Shop, kailangan nilang kumilos at ibuhos ang naitatabing lakas at lumaban na isang koponan.
Pagal man ang katawan mula sa matinding laban sa unang apat na stage ng 2018 LBC Ronda Pilipinas, isinantabi ni Joven, kasama ang mga kasanggang sina Sgt. Alfie Catalan, Sgt. Merculio Ramos, Jr., Pfc. Marvin Tapic, Sgt. Alvin Benosa, Sgt. Reynaldo Navarro, Cpl. Lord Anthony Del Rosario at Pfc. Kenneth Solis, ang isang araw na pahinga para ihanda ang mga sarili sa pagratsada ng Stage Five ngayon ng 2018 LBC Ronda Pilipinas – may distansiyang 79.4-km – mula sa Echague Municipal Hall at matatapos sa San Jose City Hall sa Nueva Ecija.
“Bago kami sumalang, focus kami sa misyon namin na mabigyan namin ng karangalan ang Philippine Army.
After four stage, nasa tamang daan ang kampanya namin, kailangan lang na dagdagan pa namin yung sipag at determinasyon,” pahayag ni team skipper Pfc. Cris Joven.
“May walong karera pa. Mahaba pa ang laban, pero kailangan naming sumagupa ng todo para hindi makalayo ng todo ang mga karibal namin. Mas mahihirapan kaming maghabol kung masyado nang malaki ang lamang nila,” aniya.
Sa walo, tanging si Joven, pumuwesto sa ikatlo sa individual classification sa nakalipas na taon, ang nakasikwat ng stage victory (Stage Three) – pinakamahaba sa distansiyang 223.5 km sa 12-stage cycling marathon na itinataguyod ng LBC, sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Filinvest, CCN, Petron, Versa.ph, 3Q Sports Event Management, Inc., Boy Kanin, Franzia, Standard Insurance, Bike Xtreme, SH+, Guerciotti, Prolite, Green Planet, Maynilad, NLEX Cycling, Lightwater, LBC Foundation at PhilCycling.
Sa pagkilos si two-time defending champion Jan Paul Morales ng Navy-Standard Insurance sa Stage Four 135.2-km sa Tuguegarao, napanatili ng Navyman ang kapit sa top 2 kung saan tangan ng kasanggang si Ronald Oranza ang red jersey – simbolo ng liderato – tangan ang tyempong 13 pras, 33 minuto at 23 segundo.
Nasa No.2 si Morales (13:38:22), habang pangatlo si Jay Lampanog ng Go for Gold Developmental team (13:40:16). Nasa ikaapat si Joven (13:40:33) – may pitong minuto at 14 segundo ang layo kay Oranza.
“Konti lang ang kailangan habulin ni Cris (Joven) sa individual classification, kayang-kaya pa. Kailangan lang namin na magtulong-tulong para hindi siya maipit at makasingit ng panalo. Kung may tsansa ang iba, yun ang babantayan namin,” sambit ni Sgt. Alvin Benosa, nakasama ng podium (ikatlo) sa four-man finish sa Stage One sa Vigan.
Iginiit ni Benosa na kumpiyansa silang malalagpasan ang matinding hamon na naghihintay sa kanilang kampanya dahil buo ang kanilang loob na mabigyan ng karangalan ang kanilang tropa na karamihan ay nangungulila sa pamilya dahil sa tungkulin na mapanatili ang kapayapaan sa Mindanao.
“Siyempre, gusto rin namin na maipagmalaki kami ng aming commandant na si Brigadier General Roy Devisa at Col. John Divinagracia, gayundin ang tiwala sa amin nina Boss Eric Buhain at John Garcia ng Bicycology Shop.
Nasa labas ng top 10 si Benosa, maging ang iba pang kasangga, ngunit kumpiyansa silang makatutulong para sa overall team classification.
Matapos ang apat na stage, nasa pangatlo ang Army-Bicycology Shop na may kabuuang oras na 54:55.26, mahigit 29 na minuto ang layo sa Navy (54:26:06) at 17 minuto sa No.2 Go For Gold Developmental (54:44.01).
“Kayang-kaya pa ‘yan. Masaya kaming makita yung determinasyon nila. Of course, gusto natin manalo sila, pero anuman ang resulta ng bawat stage hanggang sa final, masaya kami sa pagsuporta sa kanila,” pahayag ni Buhain, swimming champion, Olympian at dating Chairman ng Philippine Sports Commission (PSC) at Game and Amusement Board (GAB).
“Kami sa Bicycology Shop kasama ang business partner kong si John Garcia, ay saludo sa ating Kasundaluhan, gayundin sa lahat ng siklista natin dito na talagang nagpupursige para sa kani-kanilabng misyon sa buhay,” sambit ni Buhain.