Ni AOL.com
NINAKAW ang Oscar for Best Actress award ni Frances McDormand sa after party ng gabi ng parangal, nitong Linggo ng gabi.
Gaya ng inaasahan, napagwagian ng aktres ang tropeo para sa kanyang pagganap sa Three Billboards Outside Ebbing, Missouri, ang kanyang ikalawang Oscar. Habang nasa taunang Governors Ball pagtapos ng Academy Awards, ninakaw mula sa kanyang lamesa ang statue, nang hindi niya namamalayan.
Ayon sa TMZ, tinawag ni McDormand ang security sa Hollywood & Highland Center nang mapansin niyang nawawala ang kanyang Oscar sa kanyang lamesa, kaya nagkaroon ng malawakang paghahanap sa party. Makalipas ang ilang oras, natunton din ng security ang suspek na kinilalang si Terry Bryant, 47, na sumalisi sa kanyang statue, at dinala sa mga awtoridad, na nagsampa ng kasong felony grand theft laban dito. Nananatili itong nakakulong at nangangailangan ng piyansang $20,000.
“Security at the Governors Ball are looking for this guy, who grabbed Frances McDormand’s Oscar and ran out with it,” tweet ng New York Times writer na si Cara Buckley kasama ang litrato ng lalaki. “Wolfgang Puck’s photographer stopped him, got the Oscar back, and the guy disappeared back into the ball. Apparently Frances has said to let him go.”
Kinumpirma ng tagapagsalita ni McDormand na naibalik na sa aktres ang kanyang tropeo at nagpatuloy na nagsaya sa kanyang big night.
“I can confirm that after a brief time apart, Frances and her Oscar were happily reunited last night. They celebrated their reunion with a double cheeseburger from In-N-Out,” aniya sa People pagkatapos ng insidente.
Nitong Lunes ng hapon, lumabas ang footage ng magnanakaw, hawak ang tropeo ni McDormand sa Governors Ball. Ini-record ni Bryant ang video sa Facebook Live, at nagkomento ang mga kaibigan nito ng pagbati sa kanyang napanalunan. Sa video, isang babae ang nagtanong kung nakaukit ba ang pangalan niya sa award.
“This is mine,” ani Bryant sa video. “We got it tonight, baby!”