Ni Bert de Guzman
BUNSOD marahil ng matinding pressure na dinaranas niya kaugnay ng impeachment complaint, napilitan si SC Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na magbakasyon na tinawag na “wellness leave” simula Marso 1. Kinompronta raw si Sereno ng kapwa mga mahistrado na siya ay magbitiw na lang o kaya’y magbakasyon upang maisalba ang dangal at integridad ng institusyon.
Pero iba ang impresyon ng political analysts at kritiko sa dinaranas ngayong problema at pressure ni Sereno. Kapag nakabangga mo raw ang Malacañang o ang puno nito, humanda ka na sa matinding hamon na kakaharapin. Binanggit nila ang nangyari kay Sen. Leila de Lima na nakasagupa ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD). Ngayon ay isang taon nang nakakulong ang senadora nang ibagsak sa kanya ni Mano Digong ang buong puwersa at bigat ng presidency. Itinanggi naman na may “kamay” ang Malacañang laban kay Sereno.
Si Sen. Leila ay unang nakabangga ni PRRD noong siya pa ang Chairperson ng Human Rights Commission (CHR) na nag-imbestiga sa Davao Death Squad (DDS). Isinasangkot dito si Duterte na noon ay alkalde ng Davao City kaugnay ng maraming pagpatay.
Hindi ito nalimutan ni PDu30 hanggang sa siya’y nahalal na presidente ng bansa noong May 2016 election. Inilampaso niya ang “manok” ng Liberal Party na si Mar Roxas. Nagtamo si Mano Digong ng 16.6 milyong boto at tinalo sina Roxas at Grace Poe sa kabila ng sandamukal na pera ng LP.
Nagsimula ang kalbaryo ni De Lima nang siya ay maging tagapangulo ng isang komite na nag-atas na siyasatin ang Pangulo, hinggil sa umano’y extrajudicial killings at human rights violations. Hindi na siya tinantanan ng Pangulo, kasama sina Justice Sec. Vitaliano Aguirre II at Speaker Pantaleon Alvarez.
Payag ang Palasyo na magsagawa ng imbestigasyon ang UN Human Rights Council tungkol sa mga pagpatay sa Pilipinas sa ilalim ng Duterte administration kaugnay ng giyera nito laban sa ilegal na droga. Gayunman, sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na kung papayag ang bansa na mag-imbestiga ang UN, huwag na huwag ipadadala si Agnes Callamard, UN special rapporteur on extrajudicial killings.
Mahigit sa 30 bansa ang nananawagan sa gobyerno ng Pilipinas na payagan si Callamard na magsiyasat sa umano’y libu-libong pagpatay sa loob ng 19 buwang drug war ng Pangulo. Pahihintulutan ng Pinas ang imbestigasyon kung ang UN ay magpapadala ng isang “credible, objective and unbiased” rapporeteur. At hindi raw akma rito si Callamard.