Ni ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN

Plano ng Department of Interior and Local Government (DILG) na magtatag ng Boracay Island Development Authority kasunod ng paninisi sa mga lokal na opisyal na iginigiit nilang may pananagutan sa environmental degradation ng pinakamagandang isla sa Aklan na tanyag sa buong mundo.

Ito ang pangmatagalang solusyon na ikinokonsidera ng DILG upang mapanatili ang ganda ng Boracay Island, ayon kay DILG Assistant Secretary Epimaco Densing III sa isang panayam sa Quezon City kahapon.

“Kailangan talaga, the island, because it is a world-class island, it has to be manage professionally by managers.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kaya pinropose namin as a long-term solution through legislation, na magtayo na ng Boracay Island Development Authority. Sila na ang mag-manage ng island, huwag na nating ibigay sa opisyales ng LGU na wala tayong kasiguraduhan na ‘yung nahalal ba na opisyales ay incompetent,” sabi ni Densing.

Una nang bumuo ang DILG ng task force group na nag-iimbestiga na ngayon kaugnay ng pananagutan ng ilang lokal na opisyal, o maging mula sa ilang ahensiya ng pamahalaan, kaugnay ng “Boracay mess”.

“Not all local government officals elected have the competency to manage a world-class tourist destination. Basurang-basura ang pagpapatakbo sa Boracay Island, eh,” dagdag ni Densing.

Bahagi ng imbestigasyon, ayon kay Densing, ay ang pagtukoy sa paggastos sa P75 environmental fee at iba pang sinisingil ng lokal na pamahalaan sa mga turista sa Boracay, na tinatayang aabot sa P1.5 bilyon ang kabuuang nakolekta sa mga dumadagsa sa isla sa nakalipas na 10 taon.

‘Magkano per year ang nakolekta? Saan nila ginamit ang pera? Because kung magkakaganon ang Boracay, P1.5 billion can save Boracay from the embarassment it is facing right now,” ani Densing.

Bukod sa pagtatatag ng managing body, nais din ng DILG na agarang maipatupad ang mungkahi ng kagawaran na 60-araw na “tourist holiday” upang masimulan na kaagad ang rehabilitasyon ng isla.

Ayon sa opisyal, ipasasara ng DILG ang mga establisimyentong walang environmental compliance certificate (ECC), Mayor’s permit, fire safety insurance, at iba—kinumpirma niyang 197 negosyo ang walang ECC, habang 800 ang walang permit.