Ni Celo Lagmay
SA kainitan ng mistulang pagbabangayan sa Supreme Court (SC), naniniwala ako sa paalaala ng ilang Senador na dapat ayusin ng mga Mahistrado ang kanilang hindi pagkakaunawaan. Natitiyak ko na ang naturang paggunita ay nakaangkla sa tila lumalabong pagkakasundo sa naturang sangay ng gobyerno na tinagurian pa namang ‘court of last resort’; na ang gayong mga eksena ay nagpapababa sa dignidad ng kataas-taasang Hukuman.
Totoo na hindi ako dapat manghimasok sa naturang pag-iiringan sapagkat wala akong ‘moral ascendancy’, wika nga.
Subalit bilang isang mamamayan na matapat na nagbabayad ng buwis, karapatan kong subaybayan ang matinding problema na gumigiyagis sa SC. Ayaw kong mabahiran ng pag-aalinlangan ang naturang hukuman na dulugan ng iba’t ibang asunto, lalo na ang hinggil sa paglilinaw ng umiiral na mga batas sa buong kapuluan.
Sino ang hindi matitigatig sa nakadidismayang situwasyon sa SC. Isipin na sa kauna-unahang pagkakataon, ngayon lamang natin nasaksihan ang biglang paghahain ng ‘indefinite leave’ ng Chief Justice. Bagamat iyon ay sinasabing isang wellness leave lamang ni CJ Ma. Lourdes Sereno, tulad ng iminamatuwid ng kanyang mga abogado, hindi kaya nais lamang niyang makaiwas sa mainit na balitaktakan ng mga Mahistrado na sinasabing kumukuwestiyon sa kanyang pamamahala?
Maaaring nais lamang ng CJ na matiyak na mabuti ang kanyang kalusugan bilang paghahanda sa posibleng pagsasampa sa Senado ng impeachment case laban sa kanya. Subalit isinasaad sa mga ulat na napilitan siyang maghain ng indefinite o wellness leave dahil sa mistulang pamimilit ng kanyang mga kapuwa Mahistrado. Hindi ba nakapanlulumong masaksihan ang gayong eksena sa isang kagalang-galang na hukuman? Hindi ba lalong nakapanlulupaypay na mabatid na ang ilang SC Associate Justices ay tumestigo sa House justice committee laban sa SC CJ? Hindi sana ito dapat mangyari.
Ang paalala ng ilang Senador ay taliwas naman sa paninindigan ng ilang Kongresista. Ipinahiwatig nila na marapat lamang magbitiw na sa tungkulin si CJ Sereno upang mailigtas ang SC sa lumalalang pag-aalinlangan. May mga pahiwatig din na kahit maisampa sa Senado at mahatulan ang CJ, hindi mapapawi ang mga pag-aalinlangan ng sambayanan sa integridad ng naturang hukuman – at ng ilang Mahistrado.
Sa kabila ng lahat ng ito, naniniwala ako na kailangang umusad ang impeachment case laban sa CJ. At sa kabila ng matitinding pagbibintang, dapat lamang mabigyan ng sapat na pagkakataon ang CJ upang ipagtanggol ang kanyang sarili kaugnay ng mga akusasyong sinasabing walang katotohanan.