Ni Clemen Bautista

SA dalawang pusong matapat na nagmamahalan, ang kasal o pag-iisang dibdib ang katuparan ng pangako ng binata sa kanyang minamahal. Sa kasintahang babae, ang kasal ay ang pinakahihintay niyang araw na maging katotohanan. Sa huwes o mayor o Simbahan man siya maikasal. Sa pagpapakasal, buwan ng Hunyo at Disyembre ang pinipiling panahon ng pagpapakasal. May nagpapakasal naman kung kabilugan ng buwan sa paniwalang masuwerte ang ikinakasal kung kabilugan ng buwan. May nagpapakasal din kung kabilugan na ng tiyan ng babae. Kahit naka-damit pangkasal, hindi na maitago ang lumobong tiyan. May nagbibiro tuloy na ang dapat awitin sa kasal ay “here comes the bride, three months inside”.

Ang kasal ay ang matibay na buklod ng pagsasama ng isang babae at lalake bilang mag-asawa na bubuo ng pamilya. Sa kasal sa Simbahan, ang paring nagkakasal ay sinasabi sa mga ikinakasal na kamatayan lamang ang makapaghihiwalay sa mga ikinasal. Sinasabi rin sa kasal at parang paalaala; “ang pinagtali ng Diyos ay hindi maaaring paghiwalayin ng tao”. At bilang dagdag, si Kristo ang dapat maging sentro ng pagsasama ng mga ikinasal.

Ngunit dumarating ang panahon o mga pagkakataon na kahit anong tamis at sarap ng pagsasama ng isang babae at isang lalaking ikinasal at kahit na nagbunga ang kanilang pagmamahalan o nagkaanak na, nagiging mapait ang pagsasama.

Nagkakaroon ng mga mabigat na problema at pagsubok. Nagiging dahilan ng tuluyang paghihiwalay.

Maraming dahilan ang paghihiwalay ng mag-asawa. May nagsasabing karaniwan ay nasa lalake ang problema. Hindi maayos magdala ng pamilya. Nabuyo sa bisyo. Alak sugal, droga kapag lasing o high sa drugs, nambubugbog ng asawa at anak. May nabuyo naman sa pambabae. Nangyayari din na ang paghihiwalay ay nasa babae. Nabarkada. Hindi maasikaso ang mga anak. Nasasabi tuloy ng lalake kapag dumarating sa bahay mula sa trabaho: “Anak tupa Denang, ang mga anak natin, napakadusing, hindi ko mahalikan”. May mga babae rin na nanlalake o nangangaliwa. Sabi nga ng iba: may kakatihan daw.

Dahil dito, “natutorotot”ang asawang lalake kahit hindi Bagong Taon. Hindi matanggap ng lalake.

At palibhasa’y walang deborsiyo sa iniibig nating Pilipinas, ang solusyon sa di-pagkakasundo ay maghiwalay. May nagpa-file ng legal separation kahit magastos. Hindi naman ito problema sa mag-asawang mayaman o maykaya sa buhay.

Ang mahalaga’y tuluyang maghiwalay na at malutas ang problema. Hihingan na lanang ng sustento ang mga anak. Sa mga mahirap, hiwalay na lamang. Walang pakialaman.

Sa ngayon, isang panukalang batas sa diborsiyo ang tinalakay na sa Kongreso at maaaring maipasa. Ito ay ang “Divorce and Absolution Dissolution of Marriage Act”. Sa nasabing panukalang-batas, kahit ang mag-asawang nagdiwang ng kanilang golden wedding anniversary ay maaaring maghiwalay. Ang babae at lalake ay maaaring muling mag-asawa at magpakasal. Maraming Kongresista ang sumusuporta sa panukalang-batas. Dahil dito, nangangamba ang ibang Kongresista na baka ma-railroad o apurahin ang pagpapapatibay ng panukalang-batas.

Ayon kay Speaker PantaleonAlvarez, bago mag-adjourn ang Kongreso sa Marso 25, ang panukalang-batas ay maipapasa sa Kongreso. Ang pahayag naman ni Buhay Party-list Rep. Lito Atienza, dapat magkaroon ng malayang talakayan sa panukalang-batas sa diborsiyo para marinig ang panig ng kontra at sang-ayon sa divorce bill.

Ang Simbahang Katolika ay tutol naman sa diborsiyo. Sa paniwala ng Simbahan, ang Kasal ay isang Sakramento. Ang Kasal ay kinikilala ng Konstitusyon. Ayon kay Archbishop Gilbert Garcera, chairman ng Catholic Bishops Confrence of Philippines Episcopal Commission on Family and Life (CBCP-ECFL), sa pastoral starement ng Simbahan, tutol ito o hindi sang-ayon sa pagiging legal ng diborsiyo sa Pilipinas na pinagtibay ng Mababang Kapulungan.

Ayon pa sa pastoral statement:”Instead, the Catholic Cburch proposed that the value of perseverance and conquering difficulties as a couple be instilled in each Filipino family, so that the society will be stable Children deserve a home where love, faithfullness,and forgiveness reign”.

May mga pabor at kontra sa panukalang-batas sa diborsiyo. May kanya-kanyang paliwanag at dahilan. Marami naman ang nagsasabi na ang panukalang-batas sa diborsiyo ay hindi makalulusot sa Senado sapagkat marami sa kanila ang malawak ang pananaw, matalino at matino. Maghihintay ang sambayanang Pilipino sa gagawin ng mga sirkero at payaso sa Kongreso.