Ni Celo Lagmay
SA pinag-isang mga panukala o consolidated bill hinggil sa pagsasabatas ng diborsyo, nakita ko ang nabuong paninindigan ng mga mambabatas: Ang absolute divorce ay maituturing na solusyong hatid ng langit o heaven-sent solution sa magulong buhay may asawa. Ibig sabihin, ang naturang batas ang magbibigay ng pagkakataon sa mag-asawa na makawala sa walang katapusang pagbabangayan na hindi malayong humantong sa isang malagim na wakas.
Ang nabanggit na mga panukala na inakda ng mga mambabatas ay pinagsama-sama sa pamamagitan ng substitute bill na isinusulong ni Albay Rep. Edcel Lagman. Ito ay nagtatadhana ng mga argumento na inaasahang tatalakayin sa plenaryo ng Kamara, sa lalong madaling panahon. Bagamat ito ay tiyak na puputaktihin ng katakut-takot na pagbusisi, marami ang naniniwala na panahon na upang mahango ang mag-asawa sa walang patutunguhang pagsasama; upang sila ay makasumpong ng tahimik at makatuturang pamumuhay.
Sa pamamagitan ng absolute divorce, maiiwasan ang magastos na annulment process na sinasabing umaabot sa kalahating milyong piso, bukod pa rito ang magastos ding pagdulog sa hukuman. Sinong maralitang mag-asawa ang makatutugon sa gayong nakalululang gastos?
Isa pa, naninindigan ang mga awtor na ang diborsyo ay itinuturing na pro-woman legislation. Sa madaming pagkakataon, ang mga kababaihan ang dapat maghain ng absolute divorce upang sila ay makaalpas sa magulong sitwasyon at upang mapangalagaan ang kanyang dignidad.
Sa gayong kawing-kawing na mga argumento, kawing-kawing din ang mga pagtutol ng iba’t ibang sektor ng sambayanan. Ang Simbahang Katoliko, halimbawa, ay may banal na paninindigan: Ang Alinmang pinag-isa ng Diyos ay hindi dapat paghiwalayin ng tao. Nangangahulugan na sagrado ang matrimonyo; ikinasal ang mag-asawa at marapat na sila ay manatiling pinagbigkis ng pagmamahalan, pag-uunawaan at pagdadamayan sa lahat ng sandali at hanggang sa wakas ng kanilang pagsasama; hanggang sa sila ay mabiyayaan ng mga anak.
Paano kung ang mag-asawa ay patuloy na nagsasama na parang aso at pusa? Na sila ay nagbabangayan sa harap ng kanilang mga supling? Kung ang kanilang relasyon ay nabahiran na ng mga eksenang hindi katanggap-tanggap sa isa’t isa?
Sa harap ng gayong mga argumento, marapat na ipaubaya na lamang sa mag-asawa ang pagtimbang sa mga problemang gumigiyagis sa kanilang relasyon; kung ang matrimonyo ay sagrado o kalbaryo sa kanilang buhay.