Ni Calvin Cordova

Kinumpirma kahapon ng pamilya ng pinaslang na si Ronda, Cebu Vice Mayor Jonnah John Ungab na nakatanggap ito ng death threat bago pinagbabaril at napatay malapit sa Cebu City Hall of Justice kamakailan.

Sa pagharap sa mga mamamahayag kahapon, inamin ni Pearl Ungab na mayroong nag-text sa kanyang asawa na nagbabanta sa bise alkalde, na isa ring abogado, kung pipiliin nito ang sariling buhay o ang kliyente nito.

Sinabi ni Pearl na bago ang pananambang ay dumalo muna ang asawa sa promulgation ng kliyente, ang self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa Jr., sa Cebu City Hall of Justice sa Qimonda IT Building sa North Reclamation Area.

National

Zamboanga del Norte, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol; Aftershocks at pinsala, asahan!

Hinatulan si Espinosa sa paglabag sa election gun ban ngunit pinawalang-sala sa illegal possession of firearms.

Ipinagkibit-balikat lamang, aniya, ng abogado ang nasabing banta at sinabing ginagawa lamang nito ang trabaho bilang abogado.

“He had no body guard. No guns, no protection of sort to at least be safe from these people as he knew for himself he didn’t need those because he was just doing his job,” sinabi ng ginang sa press conference kahapon sa Saint Peter’s Memorial Chapel.

Nilinaw ni Pearl na dati nang nakatanggap ng pagbabanta ang kanyang asawa na napatunayan nilang gawa lang ng mga taong nangingikil dito.

Iniimbestigahan na, aniya, ng Task Force Ungab ng pulisya ang insidente habang nagsasagawa naman ng hiwalay na pagsisyasat ang National Bureau of Investigation (NBI) sa Central Visayas.

Naki-usap naman si Jonald Ungab, kapatid ng abogado, na siyasatin ang tatlong anggulo sa kaso: pulitika, dahil kakandidatong alkalde ang vice mayor sa 2019; ilegal na droga, dahil sa mga kasong hinahawakan nito; at personal na gantihan.