Ni Mar T. Supnad
TARLAC, Tarlac - Nakatakas sa kulungan ang tatlong umano’y drug pusher sa Tarlac, Tarlac nitong Sabado ng madaling-araw.
Kabilang sa tumakas sina Michael Sangalang, ng Barangay Cut-Cut 2; Joe Garcia, ng Bgy. Cristo Rey; at Jay Lingat, ng Angeles City, Pampanga.
Lumusot ang tatlo sa bintana sa kabila ng mahigpit na pagbabantay ng mga pulis.
Sina Lingat at Garcia ay naaresto sa pagbebenta at pagdadala ng droga, habang si Sangalang ay hinuli naman sa pag-iingat ng drug paraphernalia at natuklasan ding positibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Kaagad namang nadakip muli ng mga pulis ang tatlong pugante.
Si Sangalang ay inaresto 300 metro lamang ang layo sa himpilan ng pulisya matapos mabalian nang lundagin nito ang 10 piyeng bintana ng selda.
Natunton naman si Garcia sa Concepcion District Hospital, kung saan ito nakaratay sanhi ng pagkabali ng binti nito, habang si Lingat, na sinasabing mastermind sa jailbreak, ay nakorner sa bahay ng kapatid nito sa Cardona, Rizal.
Dahil dito, sinibak kaagad ang hepe ng Tarlac Police na si Supt. Noel Rombaoa, at isinasailalim ngayon sa imbestigasyon dahil sa kapabayaan.
Pansamantalang pinalitan ni Supt. Cris Paac si Supt. Rombaoa.