Ni Celo Lagmay
NALALABUAN ako kung bakit tila inilihim ng University of Santo Tomas (UST) ang pangalan ng walong miyembro ng Aegis Juris fraternity na itiniwalag sa naturang pamantasan. Ang nasabing mga estudyante na hinatulan sa paglabag sa Code of Conduct and Discipline ng UST ay idinadawit sa pagkamatay ni Horacio ‘Atio’ Castillo III kaugnay ng malagim na initiation rites noong nakaraang taon.
Sa pagbusisi sa nabanggit na isyu, hindi na dapat salangin, wika nga, ang detalye ng mga asunto na kinasasangkutan ng mga frat members at ilang university officials na maaaring nililitis na sa hukuman. Sapat na sanang mailantad ang pagkakakilanlan ng mga itiniwalag na mag-aaral na tila walang pagpapahalga sa tunay na diwa ng pagkakapatiran o brotherhood. Sinadya kaya ang gayong paglilihim upang mabigyan sila ng pagkakataong makapasok sa ibang unibersidad?
Wala pang katiyakan kung kailan magkakaroon ng ganap na kalutasan ang nakakikilabot na kamatayan ni ‘Atio’. Kaakibat ito ng pag-asam ng kanyang mga magulang ng katarungan para sa minamahal nilang anak. Natitiyak ko na ganito rin ang nadadama ng iba pang mga magulang na ang mga anak ay naging biktima rin ng tinatawag na barbarous initiation ng kinaaaniban nilang mga fraternity.
Nakapagpapasiklab ng damdamin kung bakit sa kabila ng mahihigpit na utos na itinatadhana ng Anti-Hazing Law, umiiral pa rin ang makahayop na initiation rites. Laging naghahari ang gayong malupit na paraan ng pagtanggap ng mga neophyte bilang mga miyembro ng kapatiran.
Isipin na lamang na iniuutos ng batas na pati ang mga opisyal ng paaralan, magulang ng mga neophyte, may-ari ng mga pinagdadausan ng programa, at iba pa ay may mga pananagutan upang matiyak ang maayos at makataong initiation rites.
Nakalulungkot na laging nananaig ang ibayong pagpapahirap na tinatampukan ng bugbugan na humahantong sa kamatayan.
Lagi nating binibigyang-diin na ang mga initiation rites ay dapat lamang tampukan ng tinatawag na psychological at education strategy; mga pagsubok ito sa kaalaman ng mga neophyte sa iba’t ibang larangan ng karunungan – history, psychology, agham, at iba pa. Kaakibat nito ang pagmamalas ng mabuting pag-uugali, pakikipag-kapwa bilang makabuhulang mamamayan.
Anupa’t ang pagsanib sa mga fraternity ay magiging makatuturan lamang kung ito ay tunay na kapatiran at hindi patayan.