Ni Celo Lagmay
MATAGAL ko nang pinaniniwalaan na ang Maute Group, sa kumpas ng kanilang mga kaalyadong Islamic State of Iraq and Syria (ISIS), ay hindi titigil sa pangangalap o recruitment ng kapwa nila mga terorista upang ipagpatuloy ang paghahasik ng karahasan hindi lamang sa Marawi City, kundi sa buong bansa. Sa kabila ng malaking bilang ng mga nalagas sa kanilang grupo, lalo yatang umigting ang kanilang hangaring ibagsak ang Duterte administration sa pamamagitan ng pakikidigma sa ating mga pulis, sundalo at iba pang alagad ng batas.
Kaakibat ito ng pangamba ng Philippine National Police na walang humpay ang pangangalap ng IS-Maute Group ng dagdag na puwersa sa Mindanao. Magugunita na nauna nang inihayag ni Pangulong Duterte ang paggala sa Mindanao ng mga dayuhang terorista mula sa Islamic State (IS) upang bulabugin ang katahimikan sa Mindanao. Maliwanag na ito ang dahilan ng pagpapalawig niya ng martial law ng isa pang taon upang malipol ang terorismo sa naturang teritoryo at sa iba pang sulok ng kapuluan.
Hindi dapat ipagtaka ang pagpapalawak ng galamay ng IS-Maute Group na natitiyak kong may simpatiya pa rin ng kanilang mga kapwa-Muslim; kapit-bisig pa rin ang angkan ng mga Maute Group. Katunayan, nang madakip at ikulong sa Taguig ang mga lider ng naturang mga terorista, sinasabing nagbunsod sila ng pangangalap o recruitment sa loob mismo ng detention cell. Dangan nga lamang at kaagad natalasan ng mga alagad ng batas ang gayong masamang balak.
Sa kasagsagan ng digmaan sa Marawi City na ikinamatay ng maraming terorista, kabilang na ang ating mga pulis at sundalo, lumutang ang mga paniniwala na magkakaroon ng spill-over o paghugos ng mga rebelde sa Visayas at Luzon. Ibig sabihin, ang mga kaaway ng gobyerno ay patuloy na maghahasik ng terorismo sa mga komunidad.
Sa harap ng ganitong nakababahalang panganib, marapat lamang na pag-ibayuhin ng intelligence group ng ating PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation (NBI) at ng iba pang security agencies, ang paniniktik at pagmamatyag sa kilos ng mga terorista at ng iba pang elemento na may kahina-hinalang galaw. Gamitin na natin ang lahat ng puwersa at taktika sa hangaring mahadlangan ang malagim na plano ng mga kampon ng kadiliman, wika nga.
Hindi malayo na ang mapanganib na mga terorista ay kahalubilo lamang natin sa iba’t ibang pribadong tanggapan -- at maaaring naglilingkod sa pamahalaan. Hindi malayong sila ang magiging kaagapay ng mga terorista sa paglulunsad ng karahasang kabuntot ng digmaang sinimulan nila sa Marawi City.