Ni Mike U. Crismundo

CAMP BANCASI, Butuan City - Ibinunyag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagpadala na sila ng karagdagang combat maneuvering brigade sa Mindanao upang durugin ang natitira pang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Caraga at Northern Mindanao regions.

Sa report ng militar, ang nasabing Army battalion ay dumating na sa headquarters ng Northeastern at Northern Mindanao 4th Infantry Division (ID) sa Camp Edilberto Evangelista sa Cagayan de Oro City nitong Huwebes.

Kinumpirma naman ni 4th ID spokesman 1st Lt. Tere Ingente na nanggaling pa sa Daraga sa Albay ang tinukoy na reinforcement na isinailalim muna sa isang pagpupulong kaugnay ng kanilang bagong misyon sa Mindanao.

Probinsya

Lalaking nagdiriwang ng kaarawan, patay nang saksakin dahil sa ingay ng videoke, speaker

Kabilang na ang mga ito sa combat maneuvering battallions na patuloy na tumutugis sa mga rebeldeng grupo sa dalawang nabanggit na rehiyon.

Batay, aniya, sa kanilang sources, aabot pa sa 900-1,000 tauhan ng NPA ang patuloy na nagtatago sa Mt. Ilong-Ilong at sa kalapit pang mga bundok sa Caraga region at Calabugao Valley, sa Mount Kalatungan at Mount Kitanglad sa Northern Mindanao region.

Matatandaang inihayag ng militar na unti-unti nang nauubos ang mga rebelde sa rehiyon matapos nilang maaresto nag dalawang mataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines (CPP)-NPA, gayundin ang patuloy na pagsuko sa pamahalaan ng kanilang mga miyembro.