Ni Bert de Guzman
KAPURI-PURI ang malasakit at pagtatanggol ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa ating Overseas Filipino Workers, laluna sa kababaihan, na hinahalay, inaalipin at pinapatay pa at isinisilid sa freezer. Ganito ang nangyari sa Kuwait. Malaking tulong sa ekonomiya ng Pilipinas ang ipinadadalang pera (remittances) ng ating OFWs na tinitiis ang lungkot, dusa at pagmaltrato ng mga among Arabo.
Gayunman, parang hindi kanais-nais na marinig o mabasa ang pahayag ni PRRD na ibebenta niya ang kaluluwa sa demonyo basta bigyan siya ng pera para sa mga OFW. Tiyak na ito ay sasabihin na biro (joke) o hyperbole lang ni Mano Digong (di ba DOJ Sec. Vits Aguirre?). Pero hindi ito magandang pakinggan, di ba Presidential spokesman Harry Roque?
Tanong ng isang kaibigan: “Bakit sa demonyo siya magsasangla/magbebenta ng kaluluwa? Bakit hindi kay San Miguel Arkanghel (St Michael, the Archangel) na isang mabuting Anghel o kaya ay mismong kay Hesus?” O, baka higit niyang kaibigan si Satanas? Tanggapin naman kaya ng demonyo ang alok niya?
Ngayon ay deklaradong “persona non grata” sina Sen. Antonio Trillanes IV at Fil-American millionaire philantropist na si Loida Nicolas-Lewis sa Davao City. Ibig sabihin nito, hindi puwedeng yumapak o magpunta sa siyudad sina Trillanes at Loida. Eh bakit naman pupunta roon si Trillanes? Baka ma-tokhang lang siya roon?
Matinding itinanggi ni Nicolas-Lewis ang alegasyon ng Pangulo na siya ang nasa likod ng plano o desisyon ng International Criminal Court (ICC) na magsagawa ng preliminary examination hinggil sa mga report ng extrajudicial killings na kagagawan umano ng Duterte administration sa Pilipinas. Teka muna, ilan na nga ba ang napapatay na ordinaryong drug pushers at users? At ilan na ang naitutumbang drug lords, drug smugglers, drug suppliers na nasa likod ng bentahan ng illegal drugs na lumalason sa isip ng mga kabataan?
Batay sa mga balita, ipinasara ng Dept. of Environment and Natural Resources (DENR) ang may 300 establishments sa Boracay Island dahil umano sa pagiging “cesspool” nito o karumihan na parang basurahan.
Nagalit si Mano Digong sa pagiging marumi at tapunan ngdumi ng Boracay na sikat sa buong mundo bilang isang maganda at malinis na beach island na dinarayo ng dayuhang mga turista. Nagbanta si PDu30 na ipasasara ang Boracay kapag nanatili itong marumi at hindi nalinis!