Ni Gilbert Espeña
NAKATAKDANG magharap sina dating Philippine amateur boxing standout Mark Barriga at Janiel Rivera ng Puerto Rico sa IBF minimumweight eliminator bout sa Abril 7 para mabatid kung sino ang magiging mandatory contender ng kampeon na si Hiroto Kyoguchi ng Japan.
Bagamat may isang pagwawagi lamang sa knockout sa walong sunod-sunod na panalo, dinaig niya sa puntos si two-time world title challenger Wittawas Basabean ng Thailand noong nakaraang Setyembre 29 sa sagupaang ginanap sa Beijing, China para matamo ang bakanteng WBO International minimumweight title.
Kilala namang knockouts artist ang No. 1 minimumweight boxer ng Puerto Rico na si Rivera na minsan nang lumaban sa world title bout nang hamunin si ex-WBC light flyweight champion Adrian Hernandez pero natalo via 3rd round TKO noong Pebrero 8, 2014 sa sagupaan sa Huixquilucan, Mexico.
May kartadang 16-2-3 na may 10 panalo sa knockouts, si Rivera ay nakalistang No. 5 contender sa IBF kumpara kay Barriga na No.3 challenger kay Kyoguchi.
Naunang umatras si dating IBF minimumweight champion Jose Argumedo ng Mexico para harapin si Barriga sa Pilipinas at tanging si Rivera na nakalista ring No. 3 sa WBO rankings ang pumayag sa eliminator bout.