Ni Celo Lagmay
SA muling pag-usad ng panukalang-batas hinggil sa kontrobersiyal na political dynasty, muli ring gumitaw sa aking utak ang pananaw na walang patutunguhan ang naturang plano. Hindi gayon kadaling mabura sa ating kulturang pampulitika ang pamamayagpag ng angkan ng mga pulitiko, lalo na ng mga nahirati sa paghawak ng kapangyarihan; poder na inililipat lamang sa kanilang mga anak, apo at iba pang malalapit na kamag-anak.
Totoo na ang nabanggit na panukala ay hindi na nararapat isulong. Sa aking pagkakaalam, ang political dynasty ay mahigpit nang ipinagbabawal ng ating Konstitusyon. Kailangan na lamang mapagtibay ang Kongreso ng tinatawag na enabling law na magtatadhana ng mga pamamaraan para sa implementasyon nito. Dangan nga lamang at nag-atubili at ‘tila talagang ayaw kumilos ang mga mambabatas sa pagbalangkas ng nasabing enabling law.
Wala akong makitang problema sa pag-iral ng political dynasty sa bansa. Ito ay matagal nang naging bahagi ng ating buhay-pulitika at tayong mga botante ang nag-akyat sa kanila sa kapangyarihan sa paniwala na sila ang makatutugon sa isang marangal at makabuluhang paglilingkod sa sambayanan. Hindi natin alintana kung sila man ay kabilang sa naghaharing political clan na ayaw nang bumitiw sa kapangyarihan.
Isang katotohanan na maraming pulitiko na hindi kabilang sa political dynasty ang hindi karapat-dapat sa isang makatuturang paghawak ng tungkulin. Ang ilan sa kanila ay nasangkot sa iba’t ibang krimen; naging protektor ng mga sindikato ng illegal drugs at nadawit sa mga katiwalian; kabilang na rito ang pangungulimbat ng ilan sa kontrobersiyal na PDAF at DAP.
Ang ilan sa kanila ay itiniwalag na sa tungkulin ng Ombudsman at ng Sandiganbayan. Ang ilan naman ay nililitis pa ng mga husgado, bagamat sila ay namamayagpag pa sa kanilang mga puwesto.
Naniniwala ako na hindi batas ang makalilipol sa political dynasty kundi mismong mamamayan. Ang mga manghahalal ang nagpapasiya upang manatili sa kapangyarihan ang sinumang pulitiko. Ibig sabihin, walang dapat sisihin kundi tayong mga botante.
Sa anu’t anuman, maging maingat at matalino tayo sa pagpili ng mga iluluklok natin sa kapangyarihan. Ito ang pinakamakabuluhang barometro sa pagkilatis sa katapatan sa pagseserbisyo ng mga pulitiko.