Ni Celo Lagmay
PALIBHASA’Y may matinding pagmamalasakit sa mga dehadong manggagawa sa iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran, hindi ko maaaring maliitin ang katiting subalit makatuturang sakripisyo ng movie and television workers. Ganito rin ang aking pagpapahalaga sa iba pang maliliit na manggagawa na malimit taguriang mga ‘limot na bayani’ sa pagsulong ng iba’t ibang industriya.
Sa paglutang ng kontrobersyal na mga isyu na tulad ng Dengvaxia scandal, malagim na Mamasapano massacre, NFA rice shortage at iba pa, higit na makabuluhang pagtuunan ng pansin ang kapakanan ng mga manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon. Sino ang nagiging epektibong kabalikat ng tinatawag na mga main players -- artista, direktor at manunulat -- sa paglikha ng mga panoorin at programa para sa kasiyahan ng sambayanan.
Totoong halos hindi pansin ang maliliit na manggagawa sa pelikula at telebisyon, lalo na kung ihahambing sa mga sikat na aktor at aktres, direktor at mga kontrabida. Subalit natitiyak ko na sila ay mahalagang bahagi sa produksiyon ng mga panooring may kalidad o quality movie at television programs.
Ito ang dahilan kung bakit noong nakaraang mga dekada, minarapat nating maglaan ng prominenteng espasyo sa pinaglilingkuran nating pahayagan. May titulong Sa likod ng Eksena, dito natin dinadakila ang mga bit players, stuntman, cameramen at mismong kargador ng mga ginagamit sa movie productions; sa pamamagitan ng naturang pitak, naipadadama natin sa kanila ang tunay na diwa ng pagkakapantay-pantay kaugnay ng naiaambag nila sa industriya ng pelikula at telebisyon. Ibig sabihin, ang dakilang partisipasyon sa naturang mga larangan ay kasinghalaga ng sakripisyo ng mga artista, direktor at iba pa.
Ang gayong pagkilala sa naturang libu-libong mga manggagawa na pawang mga miyembro ng Katipunan ng mga Artistang Pilipino sa Pelikula at Telebisyon (KAPPT) at Showbiz Industry Alliance (SIA) ay marapat lamang tumbasan ng mga biyayang nakaukol sa kanila.
Nakatutuwa na ang naturang mga organisasyon na kapwa pinamumunuan ni Imelda A. Papin, at ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) ay lumagda sa kasunduan. Dahil dito, ang mga miyembro ng naturang mga grupo ay magtatamasa na ng mga health benefits sa ilalim ng National Health Insurance Program (NHIP). Ang naturang mga manggagawa ay nauna nang binigyan ng protection program mula sa Social Security System (SSS).
Kung tutuusin dapat pang madagdagan ang mga benepisyong inilaan sa naturang mga manggagawa, lalo na kung iisipin na hindi birong panganib ang kanilang sinusuong bilang mga limot na bayani sa produksiyon ng mga pelikula at programa sa telebisyon.