Ni Liezle Basa Iñigo
CAMP AQUINO, Tarlac City - Itinuturing ng pulisya na isang malaking operasyon ang pagkakadiskubre sa plantasyon ng marijuana sa Kalinga nitong Linggo, dakong 11:30 ng umaga.
Ang natuklasang marijuana, na itinanim sa 100 metro-kuwadrado, ay kaagad na sinira at sinunog ng mga tauhan ng Northern Luzon Command (NolCom) sa tulong na rin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa lalawigan.
Binanggit ng mga raiding team na nakatakda na sanang anihin ang nasabing tanim, na tinatayang nasa anim na talampakan na ang taas, nang madiskubre ito ng pulisya.
Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang PDEA kaugnay ng nasabing taniman kaya humingi ito ng tulong ng 50th Infantry Battalion (50IB) ng 5th Infantry Division (5ID) ng Philippine Army, upang salakayin ang liblib na taniman sa Mount Chumanchil sa Barangay Loccong, Tinglayan, Kalinga.