Ni Jel Santos
Nasa 100 sasakyan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang bibigyan ng Radio Frequency Identification (RFID) sticker tags.
Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, ang libreng RFID sticker tags ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) ay makatutulong para sa mas mabilis na mobilisasyon ng mga sasakyan ng ahensiya.
Kahapon nilagdaan ng MPTC at MMDA ang memorandum of agreement (MOA) sa tanggapan ng MMDA sa Makati City.
“With the RFID stickers, our emergency vehicles can pass through gates without rolling windows down and pay for a ticket manually,” ani Lim.
Napagkasunduan na ang MPTC ay maglalagay ng RFID sticker tags sa mga sasakyan ng MMDA na may inisyal na P500 load.
Ang 100 sasakyan na may RFID sticker tags ay maaaring gamitin nang libre sa North Luzon Expressway (NLEX) toll areas sa hilaga, at Cavite Expressway (Cavitex) sa timog ng libre.
Ikinatuwa ni Lim ang ayuda ng MPTC sa MMDA, sa pagkakaloob ng agarang serbisyo sa 17 local government unit (LGU) sa Metro Manila.