Nina Charina Clarisse L. Echaluce at Argyll Cyrus B. Geducos

Iimbestigahan ng mga lokal at dayuhang eksperto ang magiging masamang epekto ng kontrobersiyal na anti-dengue vaccine na Dengvaxia sa mga nabakunahan nito.

Ibinunyag ni Department of Health (DoH) Undersecretary Enrique Domingo na bubuo muli ang kagawaran ng panel, kasama ang University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) at World Health Organization (WHO), upang ituloy ang pagmo-monitor sa mga epekto ng bakuna, na sinasabing epektibo lamang sa mga dati nang nagkasakit ng dengue.

“We are going to create a team with the WHO and PGH so there is continued monitoring. We are going to continue classifying the cases,” ani Usec. Domingo.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Ginawa ang pahayag ilang araw na ang nakalipas matapos isiwalat ng UP-PGH expert panel ang pagsusuri nito at kinumpirmang tatlo sa 14 na batang nabakunahan ng Dengvaxia ang namatay sa dengue.

Tinitingnan ng DoH ang posibleng vaccine failure sa dalawang kaso, na wala ang antibodies sa dengue virus kahit pa may proteksiyon ito mula sa bakuna.

“We have to continue monitoring the effects so we can see all the adverse events in all of these children. And then we’ll get a clearer picture in the next few years,” anang opisyal.

Kaugnay nito, iniutos ni Pangulong Duterte sa mga pampublikong ospital na bigyan ng libreng serbisyo ang mga batang nabakunahan ng Dengvaxia.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa press briefing sa Camarines Sur na iniutos ito ng Pangulo sa gitna ng pulong nito sa Department of Justice (DoJ), Public Attorney’s Office (PAO) at Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) nitong Huwebes ng gabi.

Aniya, tiniyak ni Duterte na ang gastusin sa serbisyong medikal ng mga nabakunahang bata ay sasagutin ng pamahalaan.