Ni Celo Lagmay
KUNG hindi magkakaroon ng mga balakid, muli tayong makikilahok sa halalan ng mga Barangay at ng Sangguniang Kabataan (SK) na nakatakdang idaos sa Mayo 14 ng taong ito. Ang naturang eleksiyon ay tatlong ulit na ipinagpaliban ng Duterte administration. Matagal na nating inaasam ang pagbabago sa liderato ng mga barangay – ang itinuturing na pinakamaliit na sangay ng gobyerno – lalo na yaong nakukulapulan ng mga katiwalian at hindi kanais-nais na pamamahala.
Sa aking pagkakatanda, ang pinakamatinding dahilan ng pagpapaliban sa naturang mga halalan ay may kaugnayan sa talamak na illegal drugs sa mga komunidad. Isipin na lamang na ang 92 porsyento umano ng mga barangay ay lugmok sa droga na determinadong puksain ng administrasyon sa lahat ng paraan. Katunayan, lalong pinaigting ng Philippine National Police (PNP) at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang Oplan Tokhang na naglalayong lipulin ang users, pushers at mga druglords na walang patumangga sa paggamit at pagbebenta ng shabu at iba pang bawal na droga.
Ang ganitong nakadidismayang pamamayagpag ng itinuturing na mga salot ng komunidad ay malimit na ibinibintang sa pamunuan ng mga barangay. Mahirap nga namang paniwalaan na hindi nila kilala ang mga sugapa sa droga sa kani-kanilang mga nasasakupan; hindi kaila sa kanila kung sinu-sino at ano ang galaw ng kanilang mga kanayon.
Dito nalalantad ang pagpapabaya sa tungkulin ng maraming opisyal ng mga barangay. May mga ulat na ang ilan sa kanila ay pasimuno sa paglubha ng problema sa illegal drugs; sinasabing ang ilang barangay hall ay nagiging eksena ng mga pot session at iba pang kahawig na krimen.
Bunga nito, pinatutunayan ng mga estadistika na ang ilan sa kanila ay itiniwalag sa tungkulin; marami rin ang suspendido sa tungkulin dahil marahil sa kanilang pakikipagsabwatan sa masasamang elemento ng lipunan, lalo na sa mga kabataang lulong sa droga.
Hindi rin naman maaaring maliitin ang huwarang paglilingkod ng matitinong lider ng mga barangay. Ang kanilang kapuri-puring pamamahala ang natitiyak kong isasaalang-alang ng mga botante upang sila ay manatili sa kani-kanilang puwesto.
Naniniwala ako na ang gayong matitinong opisyal at iba pang tauhan ang sama-samang nagsikap upang ang kanilang mga barangay ay maituring ng drug-free. Subalit mangilan-ngilan lamang ang gayong mga barangay; maliit na bahagi lamang ito ng 42,000 barangay sa buong bansa.
Matuloy man o hindi ang nabanggit na mga halalan, marapat lamang nating tiyakin na ang ating iboboto ay matitinong lider na ikararangal ng sambayanang Pilipino.