Ni Genalyn D. Kabiling

Nagkalat ang mga dayuhang terorista sa Mindanao, dahil nakapagtatag na ng sangay ang Islamic State sa rehiyon.

Ito ang babala nitong Martes ni Pangulong Duterte, at pinag-iingat ang publiko sa hindi maiiwasang “ugly” situation na bunsod ng banta ng mga teroristang grupo, na kinabibilangan ng mga Syrian, Arabo, Indonesian, at Malaysian.

“The ISIS has gained a foothold in the southern part of the Philippines. It’s a mix. But it has never been a question or issue of religion. It never has been but it’s turning to be an ugly one,” sinabi ni Duterte nang magtalumpati siya sa ika-116 na anibersaryo ng Bureau of Customs (BoC) sa Maynila nitong Martes.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Kasi nandito na—the Syrians, the Arabs, the white Arabs, there are the dark Arabs, a lot of Indonesian and Malaysian terrorists there just waiting to—you give them the slightest reason. That’s the only thing. It has nothing to do with perpetuating in power,” anang Presidente.

Una nang inihayag ng militar na na-monitor nito ang nasa 48 dayuhang terorista na umano’y nagre-recruit at nagsasanay ng mga miyembro nito sa Mindanao.

Ayon kay Maj. Gen. Fernando Trinidad, Armed Forces of the Philippines deputy chief of staff for Intelligence, ilan sa mga dayuhang teroristang ito ay tumutulong sa isang lokal na grupo sa Sarangani, habang ang ilan ay nagbibigay ng training sa Abu Sayyaf Group sa Basilan, at sa Maute Group sa Lanao del Sur.

Kasalukuyang umiiral ang batas militar sa Mindanao dahil sa banta ng terorismo, at nitong Martes ay pinagtibay ng Korte Suprema ang legalidad ng pagpapalawig dito ng isa pang taon, o hanggang Disyembre 31, 2018.