OAKLAND, Calif.(AP) — Natikman ng Golden State Warriors ang unang back-to-back na kabiguan ngayong season nang paluhurin ng Oklahoma City Thunder, 125-105, nitong Martes (Miyerkules sa Manila).
Hataw si Russell Westbrook sa naiskor na 34 puntos, siyam na rebounds ay siyam na assists, habang tumipa si Paul George ng 38 puntos para tuldukan ang four-game losing skid.
Nanguna si Kevin Durant sa Warriors sa nakubrang 33 puntos, ngunit, malamig ang ‘Splash Brothers’ na sina Stephen Curry at Klay Thompson, na tumipa lang ng 21 at 12 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Nawala rin ang diskarte at pagtitimpi ng Warriors na natawagan ng limang technicals. Napatalsik sa laro si Draymond Green may 8:13 ang nalalabi nang matawagan ng ikalawang technical dahil sa pakikibangayan sa referee.
BUCKS 103, KNICKS 89
Sa New York, pinulbos ng Milwaukee Bucks, sa pangunguna ni Giannis Antetokounmpo na kumubra ng 23 puntos, ang Knicks.
Nagtamo ng injury sa kaliwang tuhod si Knicks star Kristaps Porzingis matapos ang dunk may 8:46 sa second quarter at hindi na nakabalik sa laro.
Nag-ambag sina Eric Bledsoe at Khris Middleton ng 23 at 20 puntos, ayon sa pagkakasunod para sa Bucks.
Nanguna si Enes Kanter sa New York na may 19 puntos at 16 rebounds.
Sa iba pang laro, nagwagi ang Orlando Magic sa Cleveland Cavaliers, 116-98; nilupig ng Toronto Raptors ang Boston Celtics, 111-91; tinalo ng Philadelphia ang Washington Wizards, 115-102; at dinagit ng Atlanta Hawks ang Memphis Grizzlies, 108-82.