Ni Bert de Guzman
KASALUKUYANG sinasagasaan ang sambayanang Pilipino ng TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) Law ng Duterte administration. Kung ang Mayon Volcano ay nag-aalburoto at nagbubuga ng baga at lava, limitado lang sa Albay (hindi ito nasa Naga City Ms. Mocha), ang mga apektado rito ay mga uragon lang. Ang TRAIN ni Pres. Rodrigo Roa Duterte at ng kanyang mga eksperto sa buwis, pananalapi at ekonomiya, ay nananagasa ngayon sa mga ordinaryong mamamayan.
Lumaki nga raw ang take-home pay o naiuuwing sahod ng mga empleyado tuwing a-kinse at a-trenta ng buwan, pero pagpunta naman nila sa palengke, grocery stores at malls, ubos ang kanilang take-home pay dahil sa taas ng mga bilihin. Suriin natin: Ang presyo ng bigas ay tumaas ng isang piso (P1) at naging P2 dagdag sa bawat kilo ng bigas.
Samaktwid, kung ang isang kilo ay P40, ito ay magiging P42 na.
Nagsimula ang pagtaas ng bigas sa ika-3 linggo ng Enero, 2018 bunsod din ng pagtaas ng presyo ng gasolina at ng iba pang produktong petrolyo. Mismong ang price monitoring ng Philippine Statistics Authority ang naghayag sa pagtaas ng presyo ng bigas sa maraming parte ng bansa, ayon sa ulat ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).
Dahil sa dagdag na excise tax sa fuel products, nagkaroon ng ito ng domino effect na nagresulta sa pagtaas din ng halaga ng mga bilihin pati ng serbisyo. Lalo lang daw nagpapahirap ito sa mararalitang tao, lalo na ang arawan o daily wage earner na ang sahod ay minimum wage, dahil lumaki rin ang gastos nila araw-araw.
Ikinakatuwiran ng tax, financial at economic managers ng PDu30 administration, ang buwis na malilikom mula sa rumaragasang TRAIN ay gagamitin naman para sa kapakanan ng mga mamamayan. Gagamitin ito sa Build, Build, Build Program ng administrasyon para magtayo ng makabuluhang mga imprastruktura para sa bansa.
Antabayanan natin ang magiging bunga ng TRAIN, huwag natin agad husgahan bagamat hindi mo masisisi ang mga tinatamaan nito ngayon dahil sa biglang pagmahal ng presyo ng bilihin at pagtaas maging ng mga serbisyo.
Muling inilunsad ang Oplan Tokhang ng Philippine National Police. Ito ay ang pagkatok at pakiusap sa mga suspected drug pushers at users na magbago na at iwasan ang droga. Mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon lang ang operasyon. Wala na ring operasyon ang mga Tokhangers (tawag sa mga pulis na involved sa Oplan Tokhang) kapag weekend.
Magandang balita ito kung magkakatotoo.
Samantala, nakikiusap ang kaparian, este ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa PNP sa pamumuno ni Gen. Bato na iwasan na ang walang katuturang pagpatay sa pinaghihinalaang pusers at users. Bigyan ng pagkakataon ang mga suspect na magbagong-buhay, huwag basta babarilin at sasabihing NANLABAN.